YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, August 06, 2012

Pagtutulungan para sa kaligtasan ng mga naliligo sa beach ng Boracay, iginiit ng Lifeguard


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

“Magtulungan na lang”.

Ito ang iginiit ng lifeguard kaugnay sa kaligtasan at halos magkakasunod na insidente ng pagkalunod sa beach ng Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay life guard commander at BFI Member Mike Labatiao, sinabi nitong nariyan na ang mga miyembro ng BAG o Boracay Action Group katulad ng Pulis, Coastguard, Auxiliary Police at First Responder upang matugunan ang mga nasabing insidente sa isla.

Maging ang mga sekyu sa beach front ay sinasabihan narin umano nila na tumulong sa pagpaalala sa mga turistang mag-ingat o huwag na munang maligo sa dagat lalo na kapag masama ang panahon.

Kaugnay nito, aminado naman si Labatiao na halos trenta porsiyento sa kanilang mga pinaalalahanan ay nagpupumilit o umaalma, dahil sa gumastos nga naman ang mga ito lamang makapunta at mag-enjoy sa Boracay.

Samantala, idinepensa din nito ang tungkol sa kadalasa’y kawalan ng nakabantay na lifeguard sa mga tower.

Maliban sa 8 to 5 na pagtatrabaho umano ng mga ito ay kailangan ding bumaba ng tower upang mag break o di kaya’y magsagawa ng foot patrol.

Tiniyak din ni Labatiao na ang mga lifeguard sa Boracay ay sertipikadong sinanay sa pagbibigay ng first aid at pagliligtas ng buhay.

Matatandaang nitong nagdaang araw ng Linggo ay dalawang magkapatid na taga Iloilo ang nabiktima ng pagkalunod kung saan isa ang nasawi at isa naman ang nailigtas.

No comments:

Post a Comment