Aminado ang Philippine Coast Guard Caticlan Station na
hanggang sa ngayon ay pahirapan parin ang pag-duck o pagsampa ng barkong pang
Roll-On Roll Off (RoRo) sa Caticlan Jetty Port dahil sa naglalakihan at malakas
na alon.
Dahil dito, ayon kay PCG Caticlan Acting Station Commander
Chief PT Officer Ronnie Hiponia, bahagyang naantala ang pagpapababa at
pagpapasakay sa mga pasahero mula sa Roxas Oriental Mindoro dito sa Jetty Port
dahil kailangan pang hintayin aniya ng kapitan ng mga barkong ito na humupa o
kumalma ang dagat bago makasampa sa pantalan.
Pero sinabi nito na dito lamang sa Caticlan ang pahirapan,
sapagkat hindi naman ganoon kalakas ang alon sa Roxas, Oriental Mindoro.
Maliban dito, nadagdagan din ayon sa opisyal ng halos
apatnaput limang minuto ang biyahe ng RORO sa rutang ito dahil kailangan pang
baybayin ng barko ang area ng Caluya Antique papuntang Caticlan vice versa,
lamang makaiwas sa malalaking alon at para sa ligtas na paglalayag ng mga
pasahero.
Subalit ganoon man kahirap ang pag-angkla sa Caticlan, tuloy
pa rin umano ang biyahe ng RoRo sa ngayon.
Sa kabilang banda naman, dahil sa ang RORO ay kinakargahan
ng toni-toneladang cargoes kasama na ng mga truck van, nilinaw nito ngayon na
ang mga karga ng barko, bago paman umalis ay tinitimbang ito sa Caticlan Jetty
Port upang maging balanse ang laman para sa maaayos na paglalayag.
Dagdag pa nito, mariing sinusunod din aniya ang regulasyon
ng pantalan na limitado lamang sa 35 tons ang karga at kapag lumapas ay pinababawasan
na ito.
Samantala, dahil sa patuloy na nararanasan ang malakas na
alon sa karagatan, may babala ngayon si Hiponia sa mga mangingisda lalo na ang may
mga maliit na bangka, na hanggat maaari ay iwasan na ang pumalaot lalo na sa
ganitong panahon.
Ganoon din, mahigpit ang paalala ni Hiponia kaugnay sa
pansamantalang pagpapatigil sa paliligo sa front beach ng Boracay upang
maiwasang masundan pa ang insidente ng pagkalunod.
No comments:
Post a Comment