YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 11, 2012

Hose na gamit sa pagtatapon ng waste water na kinukonekta sa drainage sa Boracay, ikinabahala ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpahayag ng pagkabahala si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron, Chairman ng Committee on Environment, kaugnay sa napansin nitong naglalakihang mga hose papuntang main road na ikinukonekta sa drainage upang doon itapon ang waste water na nasipsip mula  sa isang ginagawang resort sa station 2.

Ayon kay Pagsugiron maliban sa pagkabahala nito dahil sa ang mga hose ay “eyesore” o di kagandahan para sa mata ng mga turista.

Nagmamalasakit din umano ito dahil sa alam naman ng lahat sa Boracay na ang drainage sa isla ay wala pang sistema at hindi pa ito natatapos.

Ang mga hose pa na ito ay matagal na umano nilang nakita na nakakonekta sa drainage at nangangamba ito na baka mapuno na ng tubig ang drainage at umapaw naman ito sa kalsada.

Dagdag pa dito, minsan na rin aniya niyang ininspeksiyon ang area na ito at naipa-abot na rin sa tanggapan ng Engineering Department partikular kay Malay Municipal Engineer Elezer Casidsid kung saan inihayag din umano ng huli na bawal o hindi pwede ang ganitong gawain.

Kaya hiniling ngayon ng Pagsugiron sa konseho na tulungan ito upang ipatigil ang ganitong gawain at abisuhan na rin ang kina-uukulang para ipa-monitor ang nabanggit na resort. 

No comments:

Post a Comment