Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Dahil sa awa at pagtitiwala, isang Boracaynon ang sinalisihan
ng taong tinulungan.
Dinikwat ng suspek na nag-ngangalang Darrel Pamisaran ng
Wawa Pilar Bataan ang isang kalibre 45 na baril at cellphone na pagmamay-ari ni
Vicente De Juan y SacapaƱo, na siyang nagmagandang loob pa sana sa salarin.
Ayon sa impormasyon mula kay Caticlan Jetty Port Head of
Security Richard Alair, pinatuloy di umano ni De Juan ang suspek sa kanilang
bahay isang araw palang halos ang nakakalipas dahil sa naaawa ito gayong may
problema sa paa si Pamisaran.
Subalit nabulaga nalang ang biktima nang lisanin muna nila
ang kanilang bahay sa Manoc-manoc para ayusin ang kanilang kabuhayan kasama ang
kaniyang asawa, at sa pagbalik nito, ang kaniyang steel cabinet ay sira na
dahil sa pinilit itong buksan.
Mula doon ay nadiskobre nitong ang baril at cellphone ay
tinangay na pala.
Agad na ini-report sa Pulisya ang pangyayari at ipinagbigay
alam sa Security ng Caticlan Jetty Port.
Dahil sa batid agad nila na ang balak ng suspek ay pumunta
sa Mindoro kaya sa pantalan palang ay nasilo na ito.
Nakuha ng grupo ni Alair sa suspek ang baril na tumugma
naman sa lisensiyang hawak ni De Juan, gayon din ang cellphone na tinangay
nito.
Sa kasalukuyan ay hawak na ng awtoridad ang suspek nang
i-turn over ito sa Malay Pulis at nakatakda naman dalhin sa Boracay upang
imbestigahan sa umano’y ginawang pagnanakaw.
No comments:
Post a Comment