YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, May 08, 2012

Trapik sa Boracay, pinangangambahan ng Konseho kapag muling hinukay ang kalsada para sa mga tubo ng Boracay Tubi

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung magkaroon man ng Mayor’s Permit ang Boracay Tubi at pahihintulutan na makapaglatag ng kanilang mga tubo ng tubig, ang reklamo umano sa traffic ay hindi na naman maiiwasan, ayon kay Sanggunaing Bayan Member Rowen Aguirre.

Dahil dito ay tinanong ni Agguire ang kumpaniyang ito kung dadaan ba sa kalsada o huhukayin na naman ba ang kalsada para lamang sa kanilang mga tubo.  

Kasabay nito ay hiniling din ni Aguirre na kung maaari lang ay iwasan nang hukayin ang main road at kung puwede ay ibaon na lang sa gilid ng kalsada ang mga tubo para hindi na maapektuhan ang trapiko sa Boracay.

Prangka naman ang tugon ni Jojo Tagpis, Operations Manager ng Boracay Tubi, na hindi talaga maaaring hindi mahukay ang kalsada, dahil ito lang ang tanging daan para maglatag ng tubo ang katulad nilang kumpaniya ng utilities.

Ganoon pa man, nangako naman si Tagpis na maglalagay sila ng maraming traffic aid at lahat ng paraan ay gagawin nila para lamang hindi sila makapagdala ng mabigat na traffic sa isla.

Maliban dito, kapag nahukay aniya nila ang kalsada, gagawin nila ang lahat para maibalik nila ito ng maayos sa pinakamadaling panahon, gayong may naisip na silang istratehiya para hindi talaga maging ganoon kabigat ang madadalang istorbo sa trapiko.

Samantala, sakaling pahintulitan ng punong ehekutibo ang ang kanilang plano na makapaglatag ng tubo, aasahang dalawang buwan umano ang aabutin bago matapos ang nasabing proyekto.

No comments:

Post a Comment