Matapos ang halos 12 taon, ngayon pa lang nakakakita ng
pag-asa ang Boracay Tubi kaugnay sa hinihingi nilang Mayor’s Permit para
makapaglatag ng kanilang tubo upang ma-upgrade ang kanilang serbisyo.
Nitong umaga, sa ginanap na weekly session ng SB Malay ay dininig
na ng konseho ang problema ng kumpaniyang ito makaraang humiling ng tulong sa Sangguniang
Bayan para mabigyan ng permit.
Di umano ay kumpleto naman sila sa dokumento katulad ng
Environmental Compliance Certificate (ECC), pero tila hindi umuusad ang
kanilang aplikasyon noon pa man, kaya ang pag-i-endorso ng konseho ang isa sa mga
nakikita nilang paaraan upang sila ay makakuha ng permit.
Nabatid mula kay Jojo Tagpis, Operations Manager ng Boracay Tubi,
na taong 2000 pa nila isinumite ang kanilang aplikasyon pero hanggang sa nagyon
ay wala pa silang nakukuhang tugon mula sa punong ehekutibo ng Malay.
Bunsod nito, nitong umaga lang din ay ipinresinta at
ipinaliwanag ni Tagpis ang nilalaman ng plano.
Sa nasabing presentasyon ay inimbitahan ang mga representante
ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), opisyal ng tatlong Barangay sa Boracay,
Municipal Health Office at Environmental
Officer, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba upang makapag-komento
sa aplikasyon ng Boracay Tubi, lalo na ngayon at isinusulong ng kompanyang ito
na pasukin ang serbisyo ng Waste Water Treatment.
Gayon pa man, bagamat halos lahat ng mga katanungan ng konseho
at ng mga dumalo ay nasagot naman ni Tagpis, ang pag-i-endorsong inaasahan ng
Boracay Tubi ay hindi pa napagpapasyahan ng SB na siyang susuporta sa punong
ehekutibo sa pagbibigay ng Mayor’s Permit.
No comments:
Post a Comment