YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, May 10, 2012

Pagpapatayo ng tulay sa Boracay, itinanggi ni Governor Marquez


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mariing tinanggi ni Aklan Governor Carlito Marquez na may plano din ang pamahalaang probinsiya na magpagawa ng tulay na magkokonekta sa Caticlan at Boracay.

Sa panayam kahapon kay Marquez, nilinaw nito na walang katotohanan ang usaping ito, dahil hindi naman aniya ito kailangan sa Boracay kahit na binalak ng probinsya na maglagay ng tulay.

Maliban dito, ayon pa sa gobernador, kapag magkaroon umano ng tulay ay posibleng masira ang exotic na ganda ng isla, kung saan ang pagbiyahe sakay ng bangka ay isa sa nagbibigay ng atraksiyon sa mga turista.

Dagdag pa nito, kung may tulay umano ay hindi na aniya makokontrol pa ang mga sasakyang papasok sa isla, gayong kung titingnan sa ngayon ay isinusulong nga ng pamahalaang probinsiya ang pagsasa-ayos sa mga pasilidad at inprastraktura sa mga pantalan papunta at palabas ng Boracay, para hindi na kakailanganin pa ang tulay.

Ang pahayag na ito ni Marquez ay kasunod ng napapabalitang inihayag ng gobernador ang nasabing plano sa kaniyang mensahe sa pagdiriwang ng Aklan Day at sa pagpapasinaya sa tulay na nagdudugtong sa mga bayan ng Madalag at Banga na naganap noong Abril 25, kung saan isa sa mga dumalo ay ang alkalde ng Malay.

Matatandaang ang lokal na pamahalaan ng Malay ay balak din magpalagay ng tulay sa Boracay na magdudugtong sa Caticlan. 

1 comment:

  1. Klaro sa blog ngato nga nakabalandra pangaean ni Governor Maeques nga imaw ro naga plano it tulay ngarun nga magkonekta sa boracay ag caticlan malamang kumplot snda karun it mayor it malay deny2 pa snda run kara pero gali makibot lang kita boracaynon nga ginaluto eot a nanda ag pan uhan lat a natun hay ginaubra eon ang tulay ngarun..

    ReplyDelete