YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, May 08, 2012

BIWC, mananagot sa SB Malay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung hindi na mabaho ngayon ang Lugutan Area, problema naman ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang main road sa Boracay, dahil sa pagbaho ng kalye kasabay ng pag-apaw ng mga manhole ng sewerage system sa Manoc-manoc, partikular na sa Station 3.

Dahil dito, sa privilege speech nitong umaga sa SB session ni SB Member Jupiter Gallenero, humingi ito ng tulong sa kapwa konsehal kung ano ang maaaring gawin at kung kinakailangan nang papanagutin sa pangyayaring ito ang Boracay Island Water Company (BIWC) na siyang namamahala sa sewerage system ng isla.

Maliban umano sa pag-apaw ng drainage, nakita din umano mismo ni Gallenero na nagta-transport ang BIWC ng sludge o dumi kapag gabi at dumadaan sa main road.

Ngunit ang masaklap aniya ay ang truck na ginagamit ng BIWC ay bukas kaya umaalingasaw din ang amoy habang dumadaan ito sa kalsada, gayong marami pang turista sa mga oras na nagta-transport ng dumi ang kumpaniyang ito at nagkakataon na may mga taong kumakain pa na nakakalanghap ng masangsang na amoy mula sa dumadaang trak na may lamang dumi.

Dagdag pa nito, masakit din sa ilong ang amoy na dala ng trak ng BIWC at matagal pa itong matanggal sa hangin kaya hindi din ito maganda para sa mga bisita at mga dumadaan sa kalye.

Bunsod nito, nagsuhestiyon si SB Member Rowen Aguirre na i-refer ito sa Municipal Health Office at Municipal Environmental Office para maimbestigahan ang nasabing problema, at upang malaman kung saang bahagi ng ordinansa ng bayan o circular sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nalabag para papanagutin ang BIWC sa bagay na ito. 

No comments:

Post a Comment