YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, August 29, 2016

Iloilo druglord Melvin “Dragon” Odicta at asawa, itinumba !

Posted August 29, 2016
Ni Alan C. Palma Sr., YES FM Boracay

Dead on arrival sa Malay District Hospital ang mag-asawang Melvin “alyas Dragon / Boyet” Odicta, 66 na taong gulang at asawa nitong na si Meriam Regalado Odicta, 52 na taong gulang pagkatapos barilin ng hindi pa nakilalang suspek kaninang madaling–araw.

Ayon sa Spot Report ng Malay PNP, papalabas na ng Caticlan Jetty Port ang mag-asawa ng lapitan ng suspek at malapitang binaril ang misis ni Odicta sa likod na bahagi ng katawan bago naman pinaputukan ng maka-ilang beses si alyas “Dragon”.

Sa salaysay ng mga nakakita sa pangyayari, nakagapang pa umano si Odicta habang tumatakas naman ang salarin sa hindi malamang direksyon sa madilim na bahagi ng jettyport.

Nauna rito, dahil sa pangamba at takot para sa kanilang buhay, nakipagkita ang mag-asawa kay DILG Secretary  Ismael Sueno noong nakaraang Huwebes sa Camp Crame para klaruhin ang ang kanilang pangalan na tinuturong sangkot sa bentahan ng droga sa probinsya ng Iloilo.

Kahapon araw ng Linggo, ayon sa report, nag-desisyon silang umuwi ng Iloilo sakay ng barkong 2GO mula Batangas subalit nakuhanan umano ng mga armas ang loob ng sasakyan ni Odicta sa ginawang check point doon.

Sa hindi malamang dahilan, nakapaglayag pa ang mag-asawang Odicta kasama ang tatlo pang iba lulan ng barkong 2GO na dumating ng ala-una y medya ng madaling araw sa Caticlan Jettyport.

Ayon kay Malay Chief PSI Mark Evan Salvo, bagamat tuloy ang imbestigasyon, posibleng mga “Associates” umano ni Odicta ang nasa likod ng pamamaslang dahil na rin sa pakikipagkita ng mag-asawa sa DILG.

Isang malalimang imbestigasyon ngayon ang ginagawa ng mga kapulisan kasabay ng apela sa publiko na makipagtulungan kung may alam sa nangyaring pamamaslang para sa ikadarakip ng suspek.

Si Melvin “Dragon” Odicta ay itinuturong isa sa mga ma-impluwensyang Drug Lord sa probinsya ng Iloilo kung saan inuugnay sa kanya ni President Duterte ang mga pinangalanang narco-politicians at narco-police sa Iloilo.

No comments:

Post a Comment