YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 07, 2015

Lalaki kulong matapos magwala at magbasag ng bote ng alak sa isang resort sa Boracay

Posted January 7, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sa kulungan ang inabot ng isang lalaki matapos na magwala sa isang resort sa Boracay kaninang ala-ona ng madaling araw.

Sa blotter report ng Boracay PNP mismong ang pamunuan ng resort ang nagreklamo sa himpilan ng pulisya dahil sa pangwawala ng hindi nakilalang lalaki.

Ayon pa sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) hindi pa umano nila matukoy sa ngayon ang pagkakakilanlan ng suspek na tinatayang nasa edad 35 anyos pataas dahil sa hindi pa ito makausap ng matino at panay ang tulog dala ng sobrang kalasingan.

Nabatid na bigla na lamang umano itong pumasok sa resort habang nasa ilalim ng nakakalasing na inumin at nagwawala kasabay ng pananakot sa mga turista sa loob nito.

Hindi pa umano nakuntento ang suspek at nagbasag pa ito ng botelya ng beer at walang tigil sa kakasigaw ng malakas base na rin sa salaysay ng security guard ng resort na si Mark Peter Salibo.

Dagdag pa ni Salibo umupo pa ito sa kanyang area at doon ay ipinagpatuloy ang kanyang pagwawala.

Agad naman itong inaresto ng mga pulis matapos na magsumbong ang pamunuan ng resort kung saan isinailalim muna ito sa medical check-up saka ikinulong sa himpilan ng Boracay PNP Station.

No comments:

Post a Comment