Monday, July 18, 2016

Lalaking nahulihan ng dalawang magazine ng baril sa Caticlan Jetty Port, inaresto ng mga pulis

Posted July 18, 2016
Ni Inna Carol l. Zambrona, YES FM Boracay

Diretso sa kulungan ng Malay PNP Station ang isang lalaking nahulihan ng dalawang magazine ng baril sa Caticlan Jetty Port kahapon ng hapon.

Si Valentino Bautista, 44-anyos ng Bulangcog Brgy. Iron, Calintaan, Negros, Occidental Mindoro ay agad na dinala sa nasabing himpilan para sa imbestigasyon ng mga pulis.

Sa report ni Malay PNP Police Senior Inspector Frensy Andrade, tatawid sana ang suspek sa isla ng Boracay ng matunugan sa X-ray machine ng pantalan ang dala-dala nitong mga magazine.

Nabatid na agad na sinuri ng mga security guard ang kulay itim na bag ng suspek at doon ay tumambad sa kanila ang dalawang magazine kung saan ang isa dito ay sa kalibre 45 at ang isa naman ay sa kalibre 9mm na may lamang 10 live ammunitions ng paraheng kalibre.

Samantala, sa pag-iimbestiga naman ng Malay PNP sinasabing dating may kasong murder ang suspek sa kanilang lugar sa Mindoro.

Sa ngayon ay dinala na ang suspek sa Kalibo at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa R.A 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kung saan wala ring mga dokumento ang mga nakumpiskang magazine.

No comments:

Post a Comment