YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, August 23, 2016

Implementasyon ng Curfew sa Boracay, uumpisahan na ng BTAC

Posted August 23, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Ilang araw na lamang ay sisimulan na ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang implementasyon ng pagpapatupad ng Curfew sa mga menor-de-edad na pagala-gala mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Sa pahayag ni BTAC Chief of Police Senior Inspector Jess Baylon sa himpilang ito, sinisimulan na umano nilang pag-aralan kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang ordinansa hinggil sa naturang Curfew upang masimulan na nila itong ma-implementa sa bayan ng Malay lalong-lalo na sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito, nakapaloob sa nasabing ordinansa ang minor at child policy kung saan ang menor-de-edad na 18 pababa at ang child policy naman na edad 15 hanggang 18 anyos ang mga pwedeng hulihin sa oras na simulan na ang Curfew.

Nabatid na ang sinumang lalabag dito na walang kaukulang dahilan ay huhulihin ng Malay at Boracay PNP para mabigyan ng karampatang penalidad.

Samantala, layunin naman ngayon ng bagong Chief of Police ng Boracay na linisin ang isla sa mga maling gawain kung saan naka-tuon sila ngayon sa pagsugpo sa kriminalidad at iligal na droga.

No comments:

Post a Comment