YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 09, 2016

Militar tutulong para sa seguridad ng Malay – Lt. Col. Doctolero

Posted September 9, 2016
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

“Mararamdaman na ang presensya ng mga sundalo sa bayan ng Malay sa mga susunod na araw”.

Ito ang pahayag ni Lieutenant Colonel Leomar Jose Doctolero, Commander ng 12 IB Philippine Army ng Aklan sa kanyang pagdalo sa ginanap na pulong ng Municipal Peace and Order Council sa bayan ng Malay.

Magiging visible umano ang mga sundalo sa mga pantalan at paliparan sa Caticlan kasunod ng deklarasyon ni President Duterte na State of Lawless Violence sa buong kapuluan.

Bagamat wala naman silang natanggap na ano mang banta ng karahasan sa isla ng Boracay, mas makakabuti aniyang handa ang kanilang tropa sa panahon na sila ay kakailanganin lalo at trabaho umano nila na proteksyonan ang mga sibilyan.

Katuwang ang Malay PNP, poposte ang mga sundalo sa mataong lugar ng RORO area ng Caticlan Jettyport at area ng Caticlan Airport na posibleng umanong maging target ng mga may balak maghasik ng karahasan.

Dagdag pa ni Doctolero, makikipag-ugnayan din sila sa AVSE Group ng airport para sa pagpapaigting ng seguridad at paglatag ng security planning lalo na at aminado ang mga opisyal ng paliparan na kailangan nila ng karagdagan security force.

Si Lieutenant Colonel Leomar Jose Doctolero ay mula sa 15 IB ng Lanao Del Norte at kakaupo lang bilang Commander ng Army dito sa Aklan nitong Hulyo taong kasalukuyan.

No comments:

Post a Comment