Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM
Boracay
Paniningil ng P50.00 bawat diver sa bawat dive site ang nais
ipatupad sa Boracay sa susunod na mga buwan o araw.
Ito’y batay sa proposisyon na pag-amyenda sa Malay Municipal
Ordinance # 119 series of 1998 ng Sangguniang Bayan ng Malay.
Bagay na mariing tinututulan naman ng Boracay Association of
Scuba Diving School (BASS) ang panukalang ito ng SB sa paraan ng position paper
na ipinadala nila sa konseho nitong Hunyo 27.
Ang tinutukoy ng BASS ay ang pangungulekta ng singkuwenta
pesos sa bawat diver sa bawat diving site, gayong ang diving site sa isla ay
umaabot umano sa 32.
Sa Position Paper ng BASS, inilitag ang kanilang mga rason
sa pagtutol.
Para sa grupo ng mga establisemyento ng diving school sa
isla na binubuo ng 37, hindi ito patas at makatarungan.
Sa panayam kay Cirilo Tirol, President ng BASS, sinabi
niyang lahat ng diving school sa Boracay ay ayaw sa panukalang ito kaya nila
ginawa ang position paper gayong ang halagang ito na ipapataw ay hindi naman
dapat sapagkat hindi naman ganon karami ang makikita ng mga divers sa ilalim ng
tubig sa bawat site.
Kinuwestiyun din nito kung bakit kailangan pang maningil ng
singkwenta pesos sa mga diver o turista, gayong sila sa BASS ay aktibo din
katuwang ng LGU sa pagpapanatili at pangangalaga sa yamang ito ng Boracay gaya
ng off-shore clean up, pagdiskubre sa ibang diving site, pagtulong sa
paglalatag ng mga boya sa isla, partisipasyon sa Rescue and Relief Operations
at iba pang aktibidad ng LGU simula ng itinatag ang BASS noong 1996.
Kasama na din dito ang pagpapalubog nila sa barkong “Camia” at
eroplano sa baybayin ng Boracay upang maging karagdagang atraksiyon o diving
site sa Boracay.
Para pa kay Tirol, tama na ang paniningil ng environmental
fee sa mga turista ito kung ang pag-gagamitan sa makukolekta mula sa mga diver
ay para sa kapaligiran din.
Maliban din sa Environmental fee, sila mismong mga diving
schools ay nagbabayad ng buwis, kaya kapag ipatupad ito pahirap lamang para sa
turista at sa kanila, gayong target na maging tourist friendly destination ang
Boracay.
Magkaganon man, naniniwala ito na hindi naman siguro aniya
dapat na sa mga diver ipataw ang paniningil ng P50.00 sapagkat marami namang
sea sports activities sa isla na may malaking kontribusyon din sa pagkakasira
ng mga korales at iba pang yamang dagat.
Samantala, kaugnay nito, nilinaw naman ni Tirol na batid
naman nilang para din sa Boracay ang aksiyong ito ng LGU, kaya handa naman
aniya silang makipag-usap at ihayag ang kanilang paliwanag sa SB Malay hinggil
sa usaping ito.
No comments:
Post a Comment