YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, September 24, 2012

SB Malay, wala pa ring stand sa pagpasok ng McDonalds sa Boracay

Tila wala naman nakitang problema ang Sangguniang Bayan ng Malay sa pagpasok ng McDonalds sa Boracay.

Ito ang inihayag SB Member Dante Pagsugiron kaugnay sa isinagawa nilang Committee Hearing na may kinalaman sa pagpasok ng fast food chain na ito sa isla makaraang kuwestiyunin ng konseho kung bakit makalusot ito gayong ang unang humingi ng pag-endorso noong nagdaang taon ng 2010 ay ibinasura nila.

Nabatid din mula sa konsehal na walang dumalo sa pagdinig na representante mula sa Business Sector sa kabila ng imbitasyon ng SB.

Aminado rin ito na nabigyan na rin ng Punong Ehekutibo ng Business Permit ang McDonalds at hindi naman umano masisi ang Alkalde dahil karapatan nito na bigyan ng permiso ang nais mag-negosyo sa isla kahit wala pag-endorso mula sa konseho.

Maliban dito, nakita rin umano nila na hindi naman ilalagay sa front beach ang McDonalds, kundi sa isang lugar na may kalayuan naman sa baybayin sa Station 2.

Pero sa ngayon, nilinaw ni Pagsugiron na wala pang opisyal na stand ang SB Malay sa nasabing na isyu, kung haharangin pa ba nila ito o kung anong uri ng ordinansa ang ipapasa nila mula sa katulad na pangyayari.

Kung maaalala, naging mainit ang usapin noong nagdaang sesyon ng SB at nagulat ang mga konsehal na nakapasok na pala sa isla ang McDonalds na hindi nila namalayan.

Naniniwala ang mga ito na maapektuhan ang mga maliliit na negosyanteng Boracaynon kung matutuloy ito. | ecm092012

No comments:

Post a Comment