Nagpaliwanag na kahapon sa Sangguniang Bayan ng Malay ang Boracay Island
Water Company kaugnay sa pag-overflow ng mga manhole ng sewer sa Manoc-manoc.
Nangyari ang insidente simula nitong Marso 30 at sa kasagsagan ng Mahal na
Araw.
Dahil dito, inilatag ni Engr. Eduardo Dela Cruz In charge sa Water Waste
ng BIWC ang mga rason kung bakit nangyayari ito gayon din ang pag-apaw ng
manhole kahit walang ulan.
Mula sa presentasyon nito nabatid na dahil sa mga illegal connection,
pag-pump ng mga establisemyento at pagpasok ng tubig-ulan sa linya ng sewer ang
umano’y rason kung bakit ito nagaganap.
Bilang solusyon, humingi ngayon ng tulong ang BIWC sa lokal na pamahalaan
ng Malay na kung maaari ay alalayan sana ang mga ito kung magkaroon ng
inspeksiyon lalo na sa mga
establishementong pinaghihinalaang gumagawa ng illegal na koneksiyon sa
drainage at iba pa.
Samantala, maliban sa balak na ito ng BIWC, inihayag din ni Dela Cruz na
may iba pang alternatibong solusyon ngayon ang kumpaniya nila para mapaganda pa
ang kanilang serbisyo sa sewerage system, katulad ng karagdagang mga tubo upang
hindi na maulit ang pangyayari.
Naipangako din nito na sa taong 2018, ay maaabot na nila ang kanilang
target na lahat ng establisemyento sa Boracay ay makapag konekta na sa
sewerage.
Matatandaang ipinatawag talaga ng konseho ang BIWC para magpaliwanag kung
bakit umaapaw ang mabahong amoy ng laman ng mga nasabing manhole, na nakakahiya
umano para sa imahe ng Boracay.
No comments:
Post a Comment