YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, March 26, 2012

Paniningil ng pasahe ng e-trikes, “natural” lang --- Pagsuguiron

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sinagot naman ngayon ni SB Member Dante Pagsugiron ang usapin tungkol sa paniningil ng pamasahe ng mga pumasadang e-trike sa Boracay gayong pang test drive pa lang ang layunin ng sampung unit na ito sa isla.

Bilang namamahala sa mga electric tricycle na ito, inihayag ni Pagsugiron na “natural” lamang na maningil sila sapagkat may mga gastusin din sa operasyon ang mga de kuryenteng sasakyang ito  na dapat mamentina lalo pa at hindi naman ito subsidize ng lokal na pamahalaan ng Malay at walang programa ngayon na may libreng sakay.

Pero nilinaw nitong ang perang kinikita ng mga unit na ito ay napupunta sa driver at supplier lamang.

Dagdag pa ng konsehal, naniningil sila ng kapareho sa singil at sa taripa din ng BLTMPC para sa mga tradisyonal na tricycle sa isla.

Dahil kung magpataas aniya sila ng singil aalma naman ang pasahero, at kung bababaan man nila, paniniyak nito na magre-react din ang mga tricycle drivers sa Boracay.

Sapagkat siguradong pipiliin ng pasahero ang sumakay sa e-trike dahil mura na, komportable at walang ingay o anumang polusyon na dala.

Sinabi din ng naturang konsehal na hindi naman din sila maaaring gumawa ng sariling taripa na iba sa taripa ng BLTMPC sapagkat sa bandang huli ay ang kooperatiba din mismo ang mamamahala sa mga unit na ito kapag nagkataon.

Ang pahayag na ito ni Pagsugiron ay kasunod ng pag-alma ng mga driver sa Boracay, sa paniningil ng e-trike gayong wala namang taripa.

Samantala, ang mga driver at operator ng tradisyunal na tricycle sa isla ay sumusunod sa lahat ng batas at nagbabayad ng tama sa lokal na pamahalaan ng Malay para sa kabuhayan nila. 

No comments:

Post a Comment