YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, March 26, 2014

Delikadong kalsada sa Nabas Aklan, ipapasuri ng SB Malay

Posted March 26, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ipapasuri ng Sangguniang Bayan ng Malay ang delikadong kalsada sa Nabas Aklan dahil sa bangin nito na walang harang.
Sa naging privilege hour sa Session Kahapon, sinabi ni SB Member Danilo Delos Santos na sadyang napakadelikado ang nasabing daan para sa mga motorista.

Bagamat hindi umano ito nasasakupan ng kaniyang bayan ay nag-aalala umano ito dahil sa maraming mga sasakyan ang dumadaan dito papuntang isla ng Boracay at bayan ng Malay.
 
Samantala, nais naman ng SB Malay na magpadala ng sulat sa tanggapan ng Department of public Works and Hi-way o DPWH maging sa bayan ng Nabas para mabigyan ito ng agarang pansin.

Nais umano ni Delos Santos na malagyan ng railings ang gilid ng kalsada na sadyang mataas ang bangin lalo na at kung paliko ito.

Kailangan din aniyang masuri ang kalsada simula sa bayan ng Kalibo patungong Caticlan para malaman kung saan ang may problema lalo ngayon at papalapit na ang Semana Santa kung saan marami ang magbibiyahe at magbabakasyon sa Boracay.

No comments:

Post a Comment