YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 29, 2014

Singil sa kuryente ngayong Enero, bababa ng mahigit 30 sentimos

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magandang balita sa mga member-consumer ng AKELCO.

Magpapatupad ng mahigit 30 sentimos bawat kilowatt-hour na tapyas sa singil ng kuryente ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ngayong buwan ng Enero.

Sa kalatas na ipinalabas ng AKELCO, halos 31 sentimo ang ibinaba ng kanilang rate para sa residential consumers.

Kung saan, nitong nagdaang buwan ng Disyembre ay nasa P13.07/kwh ang singil sa residensiyal, simula naman ngayong Enero ay magiging P12.76 lamang ito.

Samantala, para naman sa komersiyal na mga konsyumer, P0.26 sentimos ang ibabawas mula sa presyo nitong P12.20 at ngayon ay P11.93 na lamang.

Ayon sa AKELCO, ang dahilan ng pagbaba sa singil nila ay resulta ng pagbaba din ng generation charge o binibiling kuryente ng AKELCO, matapos maayos ang NGCP 69kv transmission lines na nasira dala ng bagyong Yolanda.

Pero paalala parin ng kooperatiba sa mga konsyumer, na posible paring tumaas ulit o bumama ang singil sa kuryente, depende sa demand, generation charges at system loss o mga nasasayang na enerhiya.

Bunsod nito, muling nagpa-alala ang AKELCO na magtipid parin sa pag-gamit ng kuryente.

No comments:

Post a Comment