Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Bagamat nakapagtala ng pitong biktima ng paputok nitong nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon, napanatiling matagumpay at mapayapa pa rin ang pagsalubong sa taong 2012 sa kabuuang probinsiya ng Aklan, batay sa assessment ng Aklan Police Province Office (APPO), sa ginawa nilang pagbabantay o pag-monitor kaugnay sa malaking selebrasyong ito.
Sa panayam kay P/Senior Supt. Cornelio Defensor, Provincial Director ng APPO nitong umaga, inihayag nitong, kahit mayroong ilang naitalang insidente, naniniwala parin itong tahimik at ligtas na dinaos ang nagdaang Pasko at bagong taon sa Aklan.
Ayon kasi dito, simula a-trenta y uno ng gabi ng Disyembre hanggang mag-umaga ng a-uno ay walang naitalang kung anong insidente.
Subalit nagimbal sila noong bandang hapon na, sapagkat may nangyaring tatlong kaso ng pamamaril mula mga bayan sa Aklan at kasama na nga dito ang nagyaring aksidenteng pagkabaril sa isang 67-anyos na lalake sa Boracay.
Gayon pa man, ang mga kasong ito ng pamamaril ay maikukunsidera naman aniyang naresolba na, dahil natukoy naman ang mga salarin at nakahandang sampahan ng kaso.
Hindi rin umano maitatangi na may mga natanggap silang reklamo ng pananakit o physical Injury sa kasagsagan ng pagdiriwang, dala at epekto ng alak sa mga suspek.
Samantala ngayong unang linggo ng 2012, bagamat wala pa namang bagong programa para sa Kapulisan sa Aklan, hiling naman ni Defensor na sana ay isadiwa, isa-puso at siyang ipalaganap ng mga Pulis dito Aklan ang nakasaad sa “PNP Hymn” sapagkat ang mga katulad nilang awtoridad lang din umano sa Aklan ang makakapagbigay ng siguridad at proteksiyon sa mga mamamayan sa probinsiyang ito.
No comments:
Post a Comment