YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, March 30, 2016

Budget ng LGU Malay ngayong 2016 aprobado na

Posted March 30, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay       

Hindi na rin pinaabot ng buwan ng Abril ang pag-aproba sa annual budget ng Local Government Unit ng Malay para ngayong 2016.

Sa 13th Regular SB Session ng Malay nitong Martes nakapaloob sa 3rd at final reading ang resolution na nag-aaproba sa nasabing budget na nagkakahalaga ng P400 Milyon.

Ang pag-aproba ay pinangunahan mismo ni Chairman of Committee on Laws at SB member Rowen Aguirre na sinang-ayunan naman ng buong konseho.

Dahil dito ikinatuwa naman ng mga department heads ang naturang balita kung saan masisimulan na rin umano ng mga ito ang kanilang ibat-ibang proyekto na nakabinbin.

Matatandaang na-delay ang pag-aproba sa nasabing budget dahil dumaan pa ito sa mahabang deliberasyon ng konseho.

Tuesday, March 29, 2016

Tatlong Negosyo Center sa Aklan nakatakdang ipatayo ngayong taon

Posted March 29, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tatlo pang Negosyo Center sa probinsya ng Aklan ang nakatakdang ipatayo ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong taong 2016.

Ayon kay DTI-Aklan OIC Provincial Director Ma. Carmen Iturralde, ang target date launching umano nito ay bago magtapos ang buwan ng Mayo.

Magiging apat na rin umano ang Negosyo Centers sa probinsya kung saan ang kauna-unahan ay naitayo mismo sa loob ng (DTI) Provincial Office na nagbukas nitong nakaraang taon.

Samantala itatayo naman ang tatlong Negosyo Center sa mga bayan ng Altavas, Ibajay at bayan ng Malay.

Nabatid na ang Negosyo Center ay isang one-stop shop kung saan ang layunin nito ay makapagbigay ng serbisyo sa mga negosyante sa pamamagitan ng pag-proseso ng kanilang requirements para sa pagpapatayo ng negosyo.

2016 annual Budget ng LGU Malay inaasahang maaaprobahan ngayong araw

Posted March 29, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for 2016 annual budgetInaasahang maaaprobahan na ngayong araw Marso 29 ang 2016 annual budget ng LGU Malay sa isasagawang SB Session.

Ito ang kinumpirma ng SB Malay sa pangunguna ni SB Secretary Concordia Alcantara matapos ang mahabang deliberasyon para rito.

Nabatid kasi na hindi na kailangang paabutin pa sa susunod na buwan ang pag-aproba o deliberasyon nito dahil sa nagsimula na ang local election period ng mga kandidato na tatakbo sa darating na halalan.

Maliban dito nakatakda ring pag-usapan ngayong Session ang mga nakabinbing usapin dahil sa nagkaroon ng Holyweek ang buong Konseho nitong Semana Santa.

Security guard ng isang bar, ini-reklamo ng panununtok



Posted March 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay 

Maga pa ang ilong ng isang babae na nagsumbong sa Boracay PNP matapos umano siyang  suntukin ng isang security guard ng isang bar sa Sitio Bantud Brgy. Manoc-manoc, Boracay kaninang madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Sheryl Velasco 28-anyos residente ng Brgy. Bagacay, Ibajay, Aklan at temporaryong nakatira sa Brgy. Balabag, Boracay.

Sa report ng Boracay PNP, nag-iinuman umano ang biktima kasama ang kaibigan nito sa loob ng bar ng biglang nagkaroon ng mainitang diskusyon sa dalawa kung saan binuhusan ito ng alak ng kanyang kaibigan.

Dahil dito, inawat ng security guard ang dalawa ngunit agad naman nitong sinuntok ang nasabing biktima na tumama sa ilong nito na nagresulta ng pagkasugat.

Samantala, agad namang nagka-ayos ang dalawang panig matapos ang nangyaring insidente.

Monday, March 28, 2016

Mainroad construction ng BIWC sa Manoc-manoc nasa 80 %

Posted March 28, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay 

Image result for road constructionNasa 80% na umano ang natatapos sa ginagawang construction ng Boracay Water Company o (BIWC) sa kalsada ng Brgy. Manoc-manoc sa Boracay.

Ayon kay BIWC Customer Service Officer Acs Aldaba, on-going parin ang kanilang construction ng kalsada sa nasabing Brgy. kung saan kalahati ng kalsada ang inaayos.

Nabatid na nagkaroon ng paghuhukay ang BIWC sa mismong kalsada para maglagay ng manhole na pagdadaluyan ng tubig papunta sa kanilang planta.

Samantala, ang susunod naman umano nilang proyekto ay ang pag-aayos ng Sewer line sa Sitio Malabunot ngayong buwan ng Hulyo kung saan sinabi din nito na ang buong construction sa lahat ng area ng Manoc-manoc lalo na sa mainroad ay target nilang matapos sa Buwan ng Disyembre ngayong taon.