YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, October 14, 2013

Binatilyong umiihi, nasaksak sa kapistahan sa Brgy. Rizal, Nabas, Aklan

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Sa ospital lumanding ang isang binatilyo matapos masaksak sa kapistahan ng Brgy. Rizal, Nabas, Aklan nitong Sabado ng gabi.

Sugat sa likod at magkabilang palad ang tinamo ng biktimang si Marlon Sadiasa, nang saksakin habang umiihi malapit sa isang palayan.

Ayon kay Nabas PNP Deputy Chief Officer SPO4 Jose Rano, nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nito, ngunit nagpa-alam saglit na iihi.

Hindi umano alam ng biktima na may lalaki palang nakasunod sa kanya at bigla na lamang itong sinaksak sa likuran.

Ayon pa sa pulisya, hindi rin nakilala ng biktima ang salarin dahil maliban sa madilim ang pinangyarihan ng krimen ay nakasuot pa ito ng bonnet.

Sa salaysay ng biktima sa mga otoridad, wala naman itong naaalalang may nakalaban o naka-away sa lugar dahil taga doon din naman ito mismo.

Agad dinala sa malapit na pagamutan ang biktima ngunit kinailangan itong ilipat ng pagamutan sa Kalibo dahil sa lubha ng tinamong sugat.

Ayon naman sa mga naka-saksi may nakita umano silang taong tumatakbo sa tabing-dagat ng nasabing lugar at agad naman itong ni-respondehan ng mga kapulisan ngunit wala man lang silang naabutan.

Sa ngayon wala pang impormasyon na nakalap kung ano ang sitwasyon ng biktima.

No comments:

Post a Comment