Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
“Coral restoration” ang pakay ngayon ng Department of
Science and Technology (DOST) sa Boracay.
Kaugnay nito, inaasahang magtatagal ang taga-DOST sa isla ng
isang taong para sa programang dala nila na tinatawag na “Filipinnoviation on
Coral Restoration Program”.
Nabatid na ang pamahalaang nasyonal ang nagbigay ng pondo sa
mga ito para isagawa ang programang ito sa Boracay bilang isa sa Pilot Technology
Demonstration o model para sa promosyon ng Science-based coral reef management.
Layunin umano nila na mabigyang solusyon ang problema sa
pagkasira ng mga korales, para mas mapatatag ang turismo ng isla sa tulong ng
atraksiyon ng mga under water activities at para sa kabuhayan ng mamamayan dito.
Ang programa umanong ito ay suportado nina Sen. Loren
Legarda, Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores, Governor Carlito
Marquez at ilan pang miyembro ng kongreso at senado.
Samantala, kaagapay naman nila dito sa Boracay ang Sangkalikasan
Cooperative at Boracay Association of Scuba-diving Schools (BASS) mula sa
pribadong sektor.
Trabaho at kita naman umano ang benipisyo nitong madadala sa
mga taga Boracay kapag naging matagumpay ang proyekto.
Ang programang ito ng DOST sa pangunguna ni Cesario Pagdilao
ay inilatag nila sa Sangguniang Bayan sesyon kahapon.
No comments:
Post a Comment