YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, February 18, 2016

Dalawang magkaibigang lalaki, binugbog ng hindi nakilalang mga suspek

Posted February 18, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Bugbug sarado ang dalawang magkaibigan matapos tambangan kaninang madaling araw sa Sitio, Sinagpa, Balabag, Boracay.

Kinilala ang dalawa na si Frederick Ptrotacio 27-anyos at John Rey Arroyo 21-anyos nakatira sa nasabing lugar.

Sumbong ng mga ito sa Boracay PNP, bumili umano sila ng tinapay sa isang bakery sa naturang lugar kung saan ng papauwi na ang mga ito ay bigla nalang silang tinambangan at pinagsusuntok ng dalawang hindi nakilalang kalalakihan na nasa ilalim ng nakakalasing na inumin.

Nagtamo naman ng pasa sa kanang mata si Protacio habang si Arroyo naman ay sa kaliwang leeg nito.

Sa ngayon, ang kaso ay ini-refer naman ng mga pulis sa Brgy. Justice System ng Balabag habang patuloy ding inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga sinasabing suspek.

Wednesday, February 17, 2016

Mooring at docking areas sa Boracay at Malay tatalakayin sa Public Hearing bukas

Posted February 17, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay  

Image result for public hearingNakatakdang talakayin sa Public Hearing bukas ang omnibus ordinance na mooring at docking areas sa Boracay at Mainland Malay sa Manoc-manoc Brgy. Hall.

Ito ay sa pangunguna ni Presiding Chairman at SB Member Rowen Aguirre kasama si Liga President Abruam Sualog na siya namang author ng nasabing omnibus ordinance.

Nabatid na tatalakayin rito ang mga isyu sa mga docking areas ng lahat ng mga sea transportation sa Boracay gayon din sa mainland Malay bilang pagtalima sa environmental protection regulation.

Dito inaasahan ding mababago ang mga lumang resolusyon kaugnay sa mooring at docking sa nasabing lugar para maging isa.

Samantala, kabilang sa mga inimbitahan sa hearing ay sina Island Administrator Glen SacapaƱo, Punong Brgy. ng Balabag, Sambiray at Caticlan, kasama ang PCG , Transportation Office, Maritime Police, MASBOI, Ruben Soriano ng Boracay Water Sports Association, BIHA, Haulers, CBTMPC, Godofredo Sadiasa at Dir. Mary Ann Armi Arcilla Regional Director ng MARINA.

Danyos sa nangyaring sunog sa Yapak Boracay kagabi, umabot sa P1 milyon

Posted February 17, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Tinatayang umabot sa mahigit kumulang isang milyon umano ang pinsala sa nangyaring sunog sa Sitio Hagdan, Brgy. Yapak, Boracay kagabi.

Ito ay base sa pahayag ng may ari ng bahay na si Luzvimenda Co sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Boracay Fire Inspector Johnny Comoda.

Sa report sinasabing dalawang palapag ang bahay nito kung saan sa ground floor umano ang kwarto nito at tindahan.
Photo Credit: Rb Bachiller


Sa ikalawang palapag naman ay ang pina-uupahang kwarto nito,  na sinasabing dito nagumpisa ang apoy.

Mabilis naman umanong natupok ang bahay nito dahil sa gawa lang ito ng light materials.

Nagkaroon naman umano ng galos ang caretaker nito dahil sa pagsalba sa ilang kagamitan sa loob ng bahay ng biktima.

Samantala, patuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng BFP Boracay para malaman kung ano ang sanhi ng nangyaring sunog.

Budget ng Solid Waste Management, tinalakay sa SB session

Posted February 17, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Tinalakay sa 7th Regular SB Session ng Malay ang Budget ng Solid Waste Management.

Ito ay sa pangunguna ni SB Rowen Aguirre kung saan nagkakahalaga ito ng P72, 884, 822.47.

Ang nasabing budget ay nagmula sa Environmental Fee na kita sa mga turistang nagbakasyon sa isla ng Boracay.

Nakasaad dito na ang Budget ay gagamitin umano sa mga Construction of Comfort Room, Construction of Sanitary Landfill, Office Equipment, Machineries, Construction of heavy equipment, Purchase of Dump/Garbage trucks, Purchase of Water Pump at Purchase of Garbage Bins.

Sa kabila nito muling tatalakayin ang naturang budget dahil sa hindi pa ito natatapos kung saan sinuspende ang nasabing session kahapon matapos magkaroon ng importanting meeting ang mga LGU officials.

Mga maliliit na negosyo sa Aklan tututukan ni Vice Governor Quimpo

Posted February 17, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa sa mga layunin ni Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo ang matutukan ang mga maliliit na negosyo sa probinsya ng Aklan.

Ito ay sa sandaling siya ay papalarin na maging Representative ng "Ang Kasangga Partylist" kung saan isa siya sa 1st nominees.

Ayon sa Bise Gobernador bibigyan niya ng pansin ang mga mangingisda at mga magsasaka gayon din ay tututukan niya ang produkto na makikita mismo sa probinsya upang lalong lumago.

Layun umano ng Kasangga na mapalakas ang mga maliliit na negosyo hindi lang sa Aklan kundi maging sa buong Pilipinas.

Nabatid na magtatapos na ang panunungkulan ng Bise-Gobernador bago ang eleksyon kung kayat nais naman niyang pasukin ang Partylist kung saan nagsimula din siya sa maliit na negosyo.