YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, April 08, 2015

Mga batang muslim na nagtitinda sa Boracay kagabi, narescue

Posted April 8, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo Credit to Boracay PNP
Tinatayang nasa 15 minor de edad ang na-rescue kagabi sa isla ng Boracay.

Kasama na dito ang mga batang muslim na nagtitinda at iba pang tumatambay sa vegetation area.

Kasama ang Boracay PNP sa pangunguna ni OIC PSInsp. Frensy Andrade, Municipal Auxiliary Police-Boracay at Boracay Salaam Police Volunteer, na-rescue ng MSWDO-Boracay ang mga nasabing minor de edad, at dinala sa MSWD Office-Balabag.

Magugunitang aminado ang MSWD o Municipal Social Welfare and Development Office sa negatibong komento ng mga turista sa mga batang nagtitinda sa isla.

Magugunita ring nanawagan si USEC. Florencia Dorotan ng NAPC o National Anti-Poverty Commission na tulungan ang mga ‘batang lansangan’na nagtitinda at namamalimos.

Base naman sa nakalap na impormasyon, mistulang malakas ang loob ng mga batang magtinda ng souvenir at bracelet sa mga turista kahit dis-oras ng gabi dahil sa sinasabing ‘parental consent’ng mismo nilang mga magulang.

Van ng isang resort sa Barangay Yapak, nasagi ng truck ng MRF

Posted April 8, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sinasabing marami na ang naaksidente sa kurbadang kalsada sa harap DENR Office sa Sitio Hagdan, Barangay Yapak.

Katunayan, isang aksidente na naman doon ang naitala sa himpilan ng Boracay PNP kaninang umaga.

Sa report ng Boracay PNP, nasagi ng Isuzu Forward ng MRF o Materials Recovery Facilities ang Nissan Urvan Estate van ng isang resort sa Barangay Yapak habang binabaybay nito ang mainroad ng Sitio Hagdan.

Resulta, nagasgas ang panghuling bumper ng nasabing shuttle service.

Sa presento naman ng pulis, nabatid na nagka-areglo ang kani-kanilang mga driver.

Samantala, nabatid na may mga motorsiklo ding naaksidente sa nasabing lugar hindi lamang dahil sa kurbada nito, kundi dahil sa driver na lasing.

"No Party on Good Friday" nitong Holy Week sa Boracay, sinunod ng mga beach front establishments

Posted April 8, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for good newsTinupad umano ng mga beach front establishments ang "No Party on Good Friday" nitong Holy Week sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Boracay PNP OIC P/SInsp.Frensy Andrade kasabay ng kanilang pagmonitor sa selebrasyon ng kakatapos lamang na Semana Santa.

Ayon kay Andrade, katuwang sila ng MAP o Municipal Auxiliary Police-Boracay sa pagpatupad ng nasabing kautusan mula alas 6:00 ng umaga ng Biyernes Santo hanggang alas 6:00 ng umaga ng Sabado de Gloria o Black Saturday.

Bagay na ikinatuwa naman ng Holy Rosary Parish Boracay.

Ayon kay Father Nonoy Crisostomo, masaya siya at nagpapasalamat dahil sa naging maayos ang pagdiriwang ng Semana Santa sa isla.

Samantala, nabatid na dinagsa rin ng mga debotong Katoliko ang iba pang aktibidad ng simbahan nitong Holy Week bagay na tinutukan ng mga kapulisan, iba pang law enforcers at force multipliers ang seguridad ng publiko.

Magugunita namang mahigpit na ipinapatupad sa isla ang "No Party on Good Friday" upang bigyang daan ang solemneng pagdiriwang ng Biyernes Santo.

2 magkahiwalay na kaso ng snatching kagabi sa Boracay, naitala sa BTAC

Posted April 8, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for snatchingInalerto ngayon ng Boracay PNP ang publiko kasunod ng magkahiwalay na kaso ng pang-iisnatch sa dalawang turista sa isla.

Ayon sa blotter report ng BTAC, unang dumulog sa kanilang himpilan alas 9 kagabi ang magkasintahang Singaporean national matapos hablutin ng hindi nakilalang lalaki ang kanyang pouch.

Saad ni Siew Wei Yeo, 32 anyos, kasama nitong naglalakad ang kanyang nobyo sa pathway ng Balabag Boracay nang dinikitan umano sila ng isang nagmo-motorsiklo.

Bigla umano nitong hinablot ang kanyang pouch na naglalaman ng dalawang Iphone 6, 200 Singaporean money, tatlong libong piso at kaagad tumakas.

Samantala, kaninang madaling araw naman ay nag-report ang babaeng Danish national na si Sabine Lidegaad, 23 anyos nang mabiktima din ng snatching habang naglalakad sa Station 1 Balabag Boracay.

Ayon sa biktima alas 5 kaninang madaling araw, naglalakad sya sa kalsada kasama ang mga kaibigan nang biglang nilapitan ng hindi nakilalang lalaki at hinablot ang kanyang dala-dalang pouch.

Dagdag pa ngbiktima, naglalaman ang kanyang pouch ng kanyang passport, iPhone 4 na cellphone, credit cards, cannon camera at cash na 6, 000 pesos.

Dahil dito, pursigido ngayon ang Boracay PNP Station na mahuli ang mga suspek at masampahan ng kaukulang kaso.

BIR Aklan, bubuksan hanggang weekend ang sub-office sa Boracay para sa pagbabayad ng buwis

Posted April 8, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for bir tax mappingBubuksan hanggang weekend ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanilang sub-office sa Boracay para sa pagbabayad ng buwis.

Ayon kay Document Processing Section Chief Ma. Elaine Tirazona, ito’y upang mas mabigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga tax payers na mag-file ng kanilang 2015 Income Tax Returns (ITR).

Anya, bukas din umano ang mga Authorized Agent Banks (AABs) ng BIR sa Boracay mula alas 8:00 hanggang alas 5:00 ng hapon, kung saan maaari din ditong makapagbayad ng ITR ang mga taxpayers base na rin sa naging apela ng BIR na mag-extend ng oras.

Samantala, paalala din nito sa lahat ng mga nagbabayad ng buwis na mag-file na ng kanilang 2014 income tax returns nang maaga upang maiwasan ang paghahabulan sa deadline na itinakda sa April 15, 2015.

Sa hindi naman makakahabol sa deadline, sinabi nito na bagama’t sila sa kawanihan ay ayaw sanang mapatawan ng penalidad ang mga taxpayers.

Mariin parin aniya nilang ipapatupad ito kapag hindi makapagsumite agad ng ITR.

Kabilang sa mga Authorized Agent Banks ng BIR ang Bank of the Philippine Islands (BPI), Metrobank at Philippine National Bank (PNB).