YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, April 05, 2018

Boracay, isasara sa mga turista sa loob ng anim na buwan

Posted April 5, 2018
Yes The Best Boracay NEWS ---- Kinumpirma ni Presidential Spokeperson Harry Roque na inaprobahan na ni Presidente Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force para sa temporary closure ng Boracay na mag-uumpisa sa April 26, 2018.

Image may contain: ocean, cloud, sky, tree, beach, outdoor, nature and waterSa isinagawang Press Briefing sa MalacaƱang kaninang tanghali, paglilinaw ni DOT Asec Ricky Alegre, hindi papayagan ang mga turista na makapasok sa Boracay sa panahon ng rehabilitasyon subalit bukas pa rin ito sa mga residente ng isla.

Ayon kay Roque, mag-uumpisa sila sa validation ng lahat ng mga resort kung sila ba ay compliant dahil magkakaroon ng drainage audit para malaman kung talagang konektado ang mga ito sa sewer line.

Bagamat may naunang panukala ang DTI na gawin ito “by phase”, hindi ito kinatigan ng DILG dahil prayoridad umano ngayon ng DENR na makalatag ng sewage line at karagdagang drainage system para masulosyonan ang problema sa waste water management sa buong isla.

Tinukoy din ni DILG Asec Epimaco Densing na polusyon ang pangunahing rason ng pangulo kung bakit ito isasara dahil naging open dumpsite na umano ang Material Recovery Facility ng Boracay maliban pa sa hindi magandang kalidad ng tubig na tinatapon sa dagat ng Bolabog Beach.

Dagdag pa ni Densing, dahil turista ang pangunahing market ng Boracay, makakatulong aniya ang pansamantalang pagsasarado ng isla sa kabawasan ng polusyon sa panahon ng rehabilitasyon kung kaya’t itinuon din sa April 26, panahon na dumadagsa ang turista dahil sa LaBoracay.

Sa ngayon ay hindi pa tiyak kung magkano ang ilalaan na pondo ng gobyerno sa buong rehabilitasyon dahil patuloy pa umano ang kanilang pag-aaral at pangangalap ng datos dahil isasama din nila sa pondo ang tulong na ilalaan sa mga mawawalan ng trabaho.

Nang matanong tungkol sa pananagutan ng mga local officials, ayon sa DILG, may case build-up para sa kasong administratibo sa mga local executives ng Aklan at Malay na ilalabas sa darating na April 14.

Sa darating na April 10, araw ng Martes ay magkakaroon ng Working Conference sa Boracay ang Inter Agency Task Force para mapag-usapan ang plano para sa mga manggagawa.

Samantala, nasa plano na rin ang posibleng massive islandwide clean-up bago ang gagawing closure sa Boracay kung saan target nilang imbitahan ang lahat ng naninirahan sa isla na sumama sa gagawing paglilinis.

No comments:

Post a Comment