Tinatawagan ang atensyon ng mga pulis, municipal auxiliary
police, barangay chairman at mga tanod sa Boracay!
Nababahala na ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay sa
pananalasa ng mga kawatan at mga insidente ng nakawan sa isla.
Ito’y matapos idulog sa sesyon kahapon ni SB Member Welbic
Gelito, ang problemang may kaugnayan sa mga akyat-bahay na pinangangambahan
dito ng mga residente.
Sinabi ni Gelito na natatakot at nag-aalala na umano ang
ilan sa mga nakausap nitong residente na lumabas tuwing gabi, sa pangambang
masalisihan o pasukin sila ng akyat-bahay.
At dahil ang naturang sitwasyon ay patungkol din sa
seguridad ng isla, iminungkahi nito sa sesyon na magsumite ang mga kapulisan
dito ng kanilang security plan.
Nababahala din umano kasi ito na ang pami-merwisyo ng mga
kawatan sa Boracay ay kumalat sa internet na magiging pangit naman sa
industriya ng turismo.
Nagsuhestiyon din ito na kung maaaring tingnan din nila ang
posibilidad kung makakapagdagdag pa sila ng budget, upang mapalawig pa hanggang
sa gabi ang trabaho ng MAP o municipal auxiliary police dito.
Samantala, sinabi naman ni SB Member Esel Flores na mas
makabubuti ring tawagin ang pansin ng mga barangay chairman at hindi lamang ang
mga kapulisan.
Ang mga kapitan din umano kasi ng barangay ang may mandato
sa mga tanod, at may mas malaking responsibilidad sa pagsugpo ng krimen.
Maliban naman sa pagtawag-pansin sa mga kinauukulan, iginiit
din ni Gelito ang pagpapalagay na ng ilaw sa mga madidilim na lugar sa isla,
katulad ng daan papunta sa Mt. Luho sa barangay Balabag.
No comments:
Post a Comment