YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, June 27, 2018

Basurang iniwan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng San Juan, pinuna ni SB Graf

Posted June 26, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 3 people, people sitting, table and indoorMariing pinuna ni SB Member Nenette-Graf, Chairman ng Committee on Environment ang mga iniwang basura sa kasagsagan ng pagdiriwang ng San Juan de Bautista nitong Linggo sa Boracay.
Sa naging Privilege Speech ni Graf, labis siyang nadismaya sa kanyang nakita sa area ng Station 3 dahil sa iniwang kalat na basura ng mga tao matapos ang paliligo sa dagat.

Aniya, hindi naman nagkulang sa pagpapa-alala sa publiko kung ano ang mga regulasyon na dapat sundin bago maligo sa kahabaan ng long beach.

“Lack of discipline” ito ang pagsasalarawan ni Sangguniang Bayan Member Frolibar Bautista dahil mayroon umanong ordinansa na bawal uminom at pagdala ng pagkain sa dalampasigan.

Pagtatanong pa ni Bautista, ano ang ginagawa ng mga itinalagang empleyado ng lokal na pamahalaan para magbantay sa kahabaan ng long beach partikular ng mga Beach Guard at monitoring team?

Ito rin ang puna ni SB Member Jupiter Gallenero kung saan ipinunto nito na walang masama sa inaprobahang resolusyon ng SB na pagpayag sa paliligo sa kapiyestahan ni San Juan pero mukhang nakalimutan ng ilang taga-LGU na may obligasyon pa rin sila.

Hirit pa nito na hindi rin kailangan pang i-post sa facebook ganitong klaseng problema dahil pangamba ng konsehal na magdulot ito ng panibagong pagpuna mula sa national government.

Paglilinaw naman ni Vice Mayor Abram Sualog, maging maingat sa mga ipino-post sa facebook at aniya ay maaari naman itong resolbahin sa ibang pamamaraan.

Nabatid, samut-saring reaksyon ang naglalabasan patungkol sa naturang isyu dahil ipinost ito sa “social media”.

Kaugnay nito, sa panayam kay Engr. Jan Michael Tayo Executive Assistant for Environmental Concerns , mayroon silang monitoring na ginagawa subalit “disiplina” lang aniya ang kailangan at dapat maging leksyon ito sa publiko para hindi na ito mauulit.

Sinabi pa nito na ang basura ay hindi problema ng isa o ibang tao kundi problema ng lahat na kailangang resolbahin.

Kung maaalala, isyu sa basura at baha na kumalat sa social media ang isa sa dahilan kung bakit isinailalim sa anim na buwang pagsasara ang Boracay.

#YestheBestBoracayNews
#SBMalayNews


No comments:

Post a Comment