YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, October 23, 2014

Service crew ng isang fast food chain sa Kalibo, sinaktan at pinahiya ng isang opisyal ng Batang Pinoy

Posted October 23, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Siya na ang nanakit siya pa ang na hospital”.   

Ito ang sinapit ng isang opisyal ng Batang Pinoy matapos nitong saktan ang isang service crew ng fast food chain sa bayan ng Kalibo kahapon ng alas-5 ng hapon.

Base sa Police Report ng Kalibo PNP, nagalit umano ang suspek na kinilalang si Jaime Rebianes, 60, ng Purok 5, Baligatan, Iligan City, Isabela sa biktimang si Majed Tambong, 21, residente ng Barangay Cogon, Malinao, Aklan ng masagi nito ang suspek na kumakain sa loob ng kainan.

Dahil sa nangyari ay agad namang humingi ng tawad ang biktima sa suspek ngunit hindi ito tinanggap ni Rebianes kung saan ay hinawakan nito ang kwelyo ng uniforme ng biktima at saka sinakal at binatukan kasabay ng pagsampal ng maka-lemang beses.

Agad namang inawat ng mga nakasaksi ang nasabing insidente dahilan para ipahuli ang suspek sa mga pulis na agad namang dinala sa himpilan ng pulisya para embistigahan.

Napag-alaman na pansamantala na sanang ikukustodiya ang suspek ay nakiusap ito sa mga pulis na kung maaari ay dalhin nalang siya sa hospital dahil nakaramdam umano siya ng pananakit ng dibdib at masamang pakiramdam.

Nabatid na si Rebianes ay dayo sa Aklan kung saan isa siya opisyal ng Batang Pinoy Olympics at technical official ng Wusho na kasalukuyan ginaganap ngayon sa probinsya.

Samantala, naka hospital arrest parin ngayon ang suspek habang nakatakda siyang sampahan ng kaso ng biktima dahil sa pananakit at pagpapahiya nito sa kanya.

No comments:

Post a Comment