YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 12, 2011

Sikat at magaling na abugado, nakahandang tumulong laban sa reklamasyon ayon sa BFI

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)

Marahil hindi lubos maisip ng mga stakeholders na kabilang sa Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang rason kung bakit itinutuloy pa rin ang reklamasyon sa Caticlan Jetty Port sa kabila ng pagtutol ng karamihan katulad ng isinatinig ni Dr. Orlando Sacay sa General Assembly ng BFI.

Tila ito ang rason kung bakit buo pa rin ang paninindigan ng nasabing organisasyon na ipagpatuloy ang kanilang pakikipag-laban sa reklamasyon.

Ayon kay Sacay, ang proyektong ito ay maituturing nang “done deal” batay sa kanilang mga obserbasyon. Isinulat din nito ang nakuha nitong impormasyon mula sa kanyang mapagkakatiwalaang source na umano ay umaabot sa labingsiyam na milyong piso ang binabayarang interes o tubo ng probinsya sa dalawangdaan at animnapung milyong pisong bond flotation ng Supoer Marina Project.

Samantala, dahil sa hindi matinag na paninindigan, hinikayat ni Sacay ang mga miyembro ng BFI na suportahan ang aksyon ng mga opisyal ng kanilang organisasyon lalo na sa pagsasampa ng kaso.

Bagama’t may sponsor o sasagot sa mga gastos, sinabi ng pangulo ng BFI na si Loubell Cann at BFI BOD Member Lowel Talamisan na mas mainam pa rin ayon sa mga ito kung magtutulungan ang lahat.

Sinabi din ng mga nabanggit na mayroon na silang nakuhang magaling at sikat na manananggol na handang tumulong sa kanila.

Pero nilinaw ng mga ito na hindi gano’n kamahal ang fees na babayaran sa hindi na pinangalanang manananggol kapalit sa serbisyo nito.

No comments:

Post a Comment