YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, August 08, 2018

Mataas na kaso ng Dengue sa ManocManoc, naitala ng PHO-Aklan

Inna Carol Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS Department
Posted August 8, 2018

Sa kabuuang 45 kaso ng dengue sa bayan ng Malay, nakapagtala ng dalampu’t siyam na kaso ng nakamamatay na sakit dulot ng kagat ng lamok ang Boracay ayon sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office ng Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon Jr. ng PHO Aklan, ang ManocManoc ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa Malay na mayroong dalampu’t apat habang ang Brgy. Balabag ay mayroong apat at isa naman ang naitala mula sa Brgy. Yapak.

Nagkaroon na umano ng clustering of cases ng Dengue sa ManocManoc dahil may naitala na tatlo o higit pang kaso sa loob ng apat na magkasunod na linggo.

Naka-alerto na raw ang MHO-Malay at may nakahanda ng gamit tulad ng mosquito fogging machine sakaling magkaroon ng impending outbreak.

Habang patuloy ang kanilang monitoring, payo ni Cuachon, kapag may lagnat at rushes na minsan ay may sakit ng tiyan at pagsusuka ay agad magpakunsolta sa pinakamalapit na health center, hospital, o klinika.

Sa record, lumalabas din na sa buong rehiyon ng Western Visayas, ang probinsya ng Aklan ang may pinakamataas na attack rate na umabot na sa 750 na kaso mula Enero hanggang Hulyo 29.

Dahil sa pangyayaring ito, ayon kay Cuachon, magpapadala na ng Dengue Test Kit ang Department of Health sa susunod na buwan na gagamitin ng mga Rural Health Unit.

Ang dengue test kit na ito ay libre na pwedeng sumuri sa mga nilalagnat na ng limang araw para malaman kung may dengue.

Samantala, upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue virus, payo ng PHO sa publiko,gawin ang 4'o clock habit kabilang na ang paglilinis sa paligid na posibleng tirahan ng mga lamok.

#YesTheBestBoracayNEWS

No comments:

Post a Comment