YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, May 01, 2017

Isa patay, isa sugatan sa pamamaril ng riding in tandem sa Boracay

Posted May 1, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for riding in tandem
Isa patay habang isa ang sugatan sa nangyaring pamamaril ng riding in tandem sa Sitio Ambulong, Brgy. Manocmanoc, Boracay noong Abril a-trenta, taong kasalukuyan.

Nakilala ang napatay na biktimang si Ryann Arcibal Raymundo alyas “Otoy”, 38- anyos, residente ng Sitio Hagdan, Brgy. Yapak habang ang isang sugatan ay kinilalang si Michael Pablo Raymundo, 30- anyos.

Sa blotter entry ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), habang sakay ng kaniyang motorsiklo kasama ang dalawang angkas habang binabagtas umano ng biktima ang pababang parte ng Sitio Ambulong, nang bigla umanong may nag-over take sa kanila na isa pang single na motorsiklo.

Nang maungusan ng mga salarin, dito na binaril ng backrider si Raymundo kung kaya’t natumba ito sa kalsada kung saan hindi pa raw umano nakuntento ang suspek at bumaba pa ito sa sinasakyang motor at binaril muli ang biktima.

Matapos umanong barilin si Raymundo, sunod namang pinaputukan ang angkas nitong si Michael Pablo, kung saan nagtamo ito ng tama sa tiyan at kanang bahagi ng kanyang panga habang ang isa pang kasama nito na si Bernard Raymundo, 34- anyos, ay nakatakbo mula sa pinangyarihan ng insidente at nakapagtago.

Base pa sa blotter report, pagkatapos umano ng nasabing pamamaril ay kumaripas ang mga hindi pa nakikilalang-suspek sakay ng kaniyang motorsiklo papunta sa direksyon ng Brgy. Balabag.

Isinugod naman sa isang klinika sa isla si alyas “Otoy”subalit idineklara na itong DOA o Dead on Arrival ng doktor habang si Michael naman ay ini-refer sa isang hospital sa Bayan ng Kalibo.

Samantala, agad namang nagresponde sa lugar ang SOCO team ng Boracay Crime Laboratory Satellite Office sa pangunguna ni PCI Robert Layador, at na-rekober dito ang mga basyo ng baril na ginamit ng suspek.

Sa ngayon, ang labi ng biktima ay nasa Prado Funeral Parlor, kung saan patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon ng BTAC sa motibo ng nasabing pamamaril at sa pagkakakilanlan ng suspek.

No comments:

Post a Comment