YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 07, 2012

Demolition site sa West Cove, binisita ng COA

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mahigit isang milyong piso ang inaasahang magagastos ng lokal na pamahalaan ng Malay hanggang sa matapos ang ginagawang demilisyon sa naging kontrobersiyal na resort sa Boracay, ang West Cove.


Sa panayam kay Island Administrator Glenn Sacapaño, sinabi nitong sa pondo ng LGU Malay magmumula ang pambayad sa kinuntratang demolition team na siyang tumitibag sa ngayon sa mga illegal na istraktura ng nasabing resort.

Ito makaraang babaan ng kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at LGU Malay na ipatanggal ito dahil sa lumabag sa batas pangkapaligiran.

Ayon kay Sacapaño, hanggang sa ngayon ay tuloy pa rin ang ginawang demolisyon sa istraktura ng West Cove na di pasok sa hawak na Tenorial Instrument na Flag T ng resort na ito.

Hindi rin umano masasabing matatapos ito loob ng isang buwan simula ngayon dahil nagpapahirap sa sitwasyon ang panahong Habagat na nararanasan sa isla kaya hindi rin sila makadala  ng mga heavy equipment na gagamitin ng demolition team.

Samantala, dahil sa ang pondo para sa demolisyon ay nagmula sa LGU Malay, inihayag ni Sacapaño na nitong nagdaang Biyernes, katapusan ng Agosto, ay bumisita sa site ang Commission on Audit (COA) para silipin kung saan ginastos ang pondo.

Kaugnay dito, sa pagbisita ng himpilang ito sa site, kapansin-pansin na halos mahigit kalahati pa lang ang natitibag nila sa ngayon sa iisang istraktura pa lang doon na siyang unang pinunterya ng demolition team noong ika-19 ng Hulyo.

Kung titingnan, magdadalawang buwan na pero wala pa rin kahit sa 25% ng lahat ng illegal na straktura sa West Cove ang natibag ng demolition team ng LGU Malay sa ngayon.

No comments:

Post a Comment