YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, July 03, 2012

BFI, nagsusumamo sa TIEZA at kay Aklan Rep. Miraflores


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Itinuturing na pinakaseryosong problema ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) sa isla ang suliranin sa drainage system, mas seryoso pa sa usaping reklamasyon.

Ito ang laman ng  talumpati ni BFI Board Chairman Henry Chusuey sa isinagawang ikalawang bahagi ng General Membership Meeting ng Foundation ngayong taon na ginanap nitong Sabado ika-30 ng Hunyo.

Matapos nitong ilatag ang seryosong pagkontra ng BFI sa reklamasyon sa Caticlan dahil sa epektong dala sa kapaligiran, na bandang huli ay napagtanto na pagbigyan ang 2.6 hektar na pagtatambak at mga aksiyong ginawa nila kaugnay sa proyekto, ay inilantad nito ang suliranin ng mga stakeholders sa Boracay may kinalaman sa matagal at hanggang sa ngayon ay wala paring sulosyong pagbaha sapagkat maltratado ang drainage sa isla.

Sa harap ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores at Atty. Marites Alvares representante ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority/TIEZA na dumalo din sa nasabing okasyon, ibinuking ni Chusuey na dahil sa kawalan ng drainage dito, ang ginagawa ng ilang resort ay pina-pump ang tubig ulan papuntang beach, kaya nababahala ito na ang dumi ay nahahalo din sa tubig ulan gayon din ang mga latak katulad ng itim na buhangin.

Bunsod nito, nag-aalala umano sila na baka sa susunod na mga araw ay masira na ang mapuputing buhangin ng Boracay.

Dahil dito ay nagsumamo ito sa TIEZA na madaliin na ang pagpapagawa sa drainage na ito.

Samantala, umapela din ang nasabing Chairman kay Miraflores na kung pwede ay bigyan din ng pondo para maaayos ang ilang inprastraktura dito sa Boracay mula sa kaniyang Pork Barrel, at gayong ang kongresista naman ang Chairman ng Committee on Tourism. 

No comments:

Post a Comment