YES THE BEST 911 BORACAY

Sunday, February 26, 2012

Montenegro Fast Craft, ini-imbestigahan ng Marina

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nasa kamay na ng Marina ang pag-iimbestiga sa Montenegro Fast Craft kaugnay sa pangyayari noong nagdaang ika dalawangput lima ng Disyembre sa Caticlan Jetty Port.

Ito ay matapos ma-stranded ang mga pasahero, partikular na ang mga turista mula sa ibang lugar at ibang bansa, dahil sa hindi nakasakay sa bangka patawid ng Boracay.

Nakaabot din sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pangyayaring ito.

Dahil dito ay ipinatawag sa sesyon ng SP-Aklan nitong Miyerkules ang pamunuan ng Caticlan Jetty Port, representante ng Montnegro Fast Craft, kooperatiba ng mga bangka, gayon din ang Coast Guard para maipaliwanag kung ano talaga ang nangyari.

Ngunit ayon kay Odon Bandiola, kalihim ng SP Aklan, hindi umano sumipot ang representante ng Fast Craft.

Napag-alam umano ng SP na pinuntahan ng Coast Guard ang Montenegro para ipahatid sana ang mga pasahero bandang alas-10 ng gabi patawid ng Boracay.

Subalit tumanggi ang pamunuan ng fast craft, kaya doon na lamang nagpalipas ng gabi ang mga pasahero sa terminal ng Jetty Port, bagay na ikina-dismaya ng mga opisyal ng probinsiya.

Lalo pang na-dismaya ang mga opisyal nang nabatid ng SP na hanggang hating gabi pala ang Certificate of Public Convince (CPC) na ibingay sa fast craft kaya maaaring makapaglayag ang mga ito kung nanaisin sana nila, lalo na at hindi naman umano masama ang panahon. 

Sa kabilang banda, sa paliwanag naman ng kooperatiba naman ng bangka, napag-alamang nasira umano ang dalawang bangkang pang 24-oras na naglalayag sa mga panahon na iyon kaya hindi rin sila naka-biyahe.

Hindi din umano naayos ang kanilang bangka hanggang Disyembre 26.

Sa panig naman ng SP, hindi maganda ang nasabing pangyayari para sa turismo ng Boracay ,dahil sa ibinibenta ang isla sa mga turista ngunit hindi man lang makapag-bigay ng magandang serbisyo pagdating sa transportasyon.

Dahil dito, nasa Marina na ngayon ang awtoridad sa pag-iimestiga gayon din kung ano ang aksiyong gagawin nila laban sa kompaniya ng fast craft. 

No comments:

Post a Comment