YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 25, 2011

Negosasyon sa relokasyon ng Caticlan Elementary School, malabo pa rin

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Katulad ng mga naunang pahayag ni Caticlan Punong Barangay Julita Aron, Principal ng Caticlan Elementary School, at ni Ginang Arlyn Regalado, District School Supervisor ng Malay, na hindi pa nila alam kung kaylan mangyayari ang paglipat o maililipat ba talaga ng Caticlan Elementary School, gayong ang mga ito ay nagsabing nakasalalay ang negosasyon hinggil dito sa lokal na pamahalaan ng Malay at pamunuang Godofredo P. Ramos Caticlan Airport, kasunod ng pagpapalapad na ginagawa ngayon sa nasabing paliparan, ngayon ay sa bahagi naman ng lokal na pamahalaan ng Malay na siyang tumutulong at nangunguna sa negosasyong ito ay tila wala pa ring linaw ang mga bagay ukol sa usaping ito.

Ito ay dahil ayon sa ulat mula sa tanggapan ni Mayor John Yap na inihayag ni  Malay Administrator Godofredo Sadiasa, sa kasalukuyan ay naghahanap palang ng abot halagang presyong relocation site para sa paaralan ang pamunuan ng paliparan.

Kaya sa ngayon ay hindi pa nila talaga alam kung kelan ito maisasakatuparan dahil nasa pamunuan ng Airport o Trans Aire pa rin aniya ang pinal na desisyon, at kung wala aniyang paglalagyan ng gusali ng paaralang ito ay baka doon na lang talaga ito manatili.

Subalit tila sa pagkaka-alam aniya nito, tatamaan ng expansion ang paaralan kaya walang nang magagawa ang Trans Aire kundi maghanap ng paglilipatan.

Gayon pa man, ang Alkalde aniya ngayon ay ginagawa na ang lahat para magkaroon ng magandang negosasyon, sa layuning magkaroon ng magandang resulta.

Matatandaang ang Caticlan Elementary School ay matagal nang hiniling na ilipat dahil na rin sa ingay dala ng operasyon ng paliparan at sa ginagawang expansion dito.

No comments:

Post a Comment