YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, October 21, 2013

DOT-Boracay at BFI, nanghinayang sa pagkasibak sa puwesto ni Boracay PNP Chief Joeffer Cabural

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay


Nalulungkot ang mga taga DOT-Boracay sa pagkakasibak ni Boracay PNP Chief of Police Joeffer Cabural.

Ani Department of Tourism DOT–Boracay, Officer in Charge, Tim Ticar nanghihinayang ito dahil marami pa sana silang mga programa na pagsasamahan.

Sabi pa ni Ticar, napaka-cooperative kasi nito sa lahat ng mga programa ng DOT-Boracay at aktibo sa paggawa ng mga solusyon sa krimen dito sa isla.

Samantala nagpahayag rin ng pagkadismaya ang BFI o Boracay Foundation Incorporated President na si Jony Salme sa pagka relieve ni Cabural.

Naging partner kasi nito ang pulis sa BAG o Boracay Action Group.

Kaya malaking kawalan daw talaga ito para sa kanila sapagka’t masipag at maganda ang performance na ipinapakita ng nasabing hepe.

Dagdag pa ni Salme, malaki ang naging kontribusyon ni Cabural sa BFI dahil palagi daw siyang nandyan kapag kinakailangan.

Si Police Senior Insp. Joeffer Cabural ay mahigit ding isang taong naging kasama ng BFI at DOT sa pangangalaga ng isla.

Subali’t nitong nagdaang linggo ay kasama ito sa sinibak ni mismong Philippine National Police Director General Alan Purisima, dahil sa umano’y paglabag sa istriktong command policy tulad na lamang ng tamang crime statistics reporting.

Mga bagong E-Trike, ibibigay na sa mga nag-apply at pumasa

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ibibigay na ang mga bagong E-Trike sa mga nag-apply at pumasa sa pagkakaroon ng nasabing sasakyan.

Ayon kay Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) General Manager Ryan Tubi, hinahabol na lang umano nila ngayon ang 100 na mga E-Trike galing sa mga iba’t-ibang suppliers, at saka pagbabasehan ang criteria ng LGU Malay kung kanino ibibigay ang unang isang daan.

Samantala, sinabi naman ni Tubi na may permit ng ibinigay ang munisipyo sa kanila kung saan ito ang permit to transport and for trial hanggang sa matapos na maayos ang mga prangkisa.

Nilinaw naman nya na ang unit ng Tojo ay meron nang rehistro sa Land Transportation Office (LTO) kaya matapos ang 15 days na ibinigay sa kanila ay saka naman aayusin ang prangkisa ng sampu pa.

Kapag natapos  umano ang proseso sa Tojo ay may darating namang 20 hanggang 30 units ng mga bagong E-Trike sa loob ng isang buwan.

Samantala, sa susunod na linggo ay darating ang 20 unit ng PROZZA galing Cebu.

Sa ngayon ay meron nang 19 na mga E-Trike ang pumapasada sa isla.

Mga sumunod sa 25+5 easement sa Boracay, umabot na 44

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Umabot na 44 ang mga establishementong sumunod sa 25+5 easement sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, 28 pa ang patuloy na sumasagawa ng demolisyon ng kanilang mga establishementong pasok sa 25+5 easement.

Kabilang naman umano sa may pinakamaraming sumunod sa self-demolition ay ang mga establisyemento sa station 1.

Sinabi naman nito na ngayong katapusan ng buwan ng Oktobre ay mag-iikot sila sa bahagi ng mga tinamaan ng 25+5 kung sino ang mga sumusunod o hindi.

Nagsasagawa naman sila ng demolisyon sa mga hindi tumupad sa task force at tuluyan nilang tatanggalin ang mga establisyemntong hindi nag-comply sa nasabing batas.

Nagpapasalamat naman si Sacapaño sa mga sumunod sa nasabing task force at darating din umano ang panahon na ang mga hindi sumunod ay susunod rin dito.

Nabatid naman na magkakaroon ng awarding ng certificate of compliance (CoC) sa Nobyembre a-singko sa mga may-ari ng establiyementong sumunod sa 25+5 easement sa Boracay.

Saturday, October 19, 2013

19 na bagong E-Trike sa Boracay, umarangkada na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umarangkada na ang 19 na bagong E-trike sa isla ng Boracay mula sa mga iba’t-ibang supplier sa bansa.

Ayon kay Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) General Manager Ryan Tubi, ito umano ay mula sa tatlong suppliers na kinabibilangan ng ELAIE Green Corporation, Tojo Motors Corporation at PROZZA.

Ayon sa kanilang data, meron nang pitong unit na galing sa una nitong supplier na ELAIE Green Corporation galing sa Antipolo at sampu naman sa bago nitong supplier na Tojo Motors Corporation mula sa Sta. Rosa Laguna.

Samantala, ayon pa kay Tubi, binigyan naman ng 15 araw ng Tojo ang BLTMPC para e-trial ang mga nasabing sasakyan kung sakaling meron man itong mga deperensya at may mga maaaring baguhin.

Matapos na ito ay masubukan ay ibibigay na umano ang mga ito sa mga myembro na nakapasa sa pagmamay-ari ng E-trike kung saan sila na ang magpapatakbo at magbabayad para dito.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Tubi na madadagdagan pa ang mga nasabing sasakyan sa mga susunod pang mga araw.

Kasalukuyan namang nakikita ngayon ang mga E-trike na pumapasada na sa mga kalsada sa isla.

Aklan Government, nagpasalamat sa mga naging bahagi ng pagbisita ng MS Superstar Gemini sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpapasalamat ngayon ang Aklan Government sa mga tumulong sa matagumpay na pagbisita ng MS Superstar Gemini sa Boracay nitong Huwebes.

Sa pangunguna ni Aklan Governor Joeben Miraflores at Bisi-Gobernador Gabriele Calizo-Quimpo ipinaabot nila ang kanilang pasasalamat sa mga naging bahagi ng malaking okasyon na naganap sa isla.

Una na rito ay ang lokal na pamahalaan ng Malay, Department of Tourism at ibat-ibang private agencies na malaki ang naiambag sa maayos na pagtanggap sa mga bisitang sakay ng cruise ship.

Pinasalamatan din ang mga PNP, PCG, bantay-dagat dahil kanilang pagpatrolya sa mga lugar na pinuntahan ng mga nasabing turista.

Samantala, ang pamunuan naman ng Wallem Philippines ang naging daan sa matagumpay na pagbisita ng cruise ship sa Boracay.

Bago naman magtapos ang taong 2013 ay isa pang cruise ship ang inaasahang bibista sa Boracay sa Nobyembre a-kwatro na may pangalang MS Superstar Aquarius.