YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, October 24, 2014

Seguridad sa Boracay ngayong Undas, pinaplantsa na

Posted October 24, 2014
Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Royalty-Free (RF) Airport Clipart Illustration by David Rey - Stock ...Pinaplantsa na ng Provincial Government ng Aklan at ng Jetty Port Administration ang seguridad sa isla ng Boracay ngayong papalapit na Undas.

Katunayan maglalagay ng Tourist Assistance Disk ang mga Pulis at Philippine Coastguard sa Caticlan at Cagban Jetty Port para sa posibleng pagdagsa ng mga turista.

Inihahanda na rin ng Boracay PNP Station ang kanilang 24/7 operation sa mismong araw ng Undas kung saan inaasahang magkakaroon ng ibat-ibang Halloween party na dadagsain ng mga tao lalo na sa front beach.

Ayon naman kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port magkakaroon umano sila ng dobleng seguridad para paghandaan ang Undas na kung saan ay unti-unti na ngayong bumubuhos ang maraming turista sa Boracay.

Paalalala naman nito na sa mga bibiyahe at magbabakasyon sa isla ang ibayong pag-iingat maging sa kanilang mga mahahalagang gamit.

Samantala, all-out naman ang ginagawang pagsuporta ng Lokal na Pamahalaan ng Malay para sa security forces sa Boracay ngayong papalapit na araw ng mga Patay.

(Update) Pagpaslang sa 17 anyos na binatilyo sa Boracay nag-ugat umano sa pambibiro

Posted October 24, 2014                                             
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pambibiro o pangti-trip.

Ito sa ngayon ang isa sa mga tinitingnang dahilan ng Boracay PNP Station hinggil sa pagkakabaril ng isang 17 anyos na binatilyo sa Boracay kagabi.

Ayon kay PO2 Lyn-Lyn Agapito ng BTAC Women and Children Protection Desk, nabatid sa kanilang inisyal na imbestigasyon na mahilig magbiro at mang-trip ang binatilyo sa kanilang lugar.

Anya, dati na rin umano itong nasangkot sa ilang mga kaguluhan sa lugar, kung saan isa rin sa mga tinututukan ng imbestigasyon ng Boracay PNP Station.

Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BTAC para sa pagkakatuloy ng suspek sa nangyaring pamamaril.

Samantala, napag-alaman naman sa pinagdalhang ospital ng biktima sa isla ng Boracay na Dead on Arrival (DOA) na ito dahil sa tinamong tama ng baril sa likod.

Pagpapalawak at pagpapaganda ng HRP Boracay sinimulan na

Posted October 24, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sinimulan na ang pagpapalawak at pagpapaganda ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay.

Ayon kay HRP Boracay Priest Moderator Father ‘Nonoy’ Crisostomo, kailangan nang palakihin ang simbahan dahil sa dami ng mga nagsisimba lalo na kapag araw ng Linggo.

Maliban dito, hindi na rin mababasa ng ulan ang mga nagsisimba dahil sa idadagdag na mezzanine o balcony sa magkabilang gilid ng simbahan.

Samantala, tiniyak din umano ni Father ‘Nonoy’ na naaayon sa istraktura ng simbahan ang proyekto kung kaya’t minarapat nitong mezzanine ang kanyang ipagawa.

Nabatid na nagkakahalaga ng anim na milyong piso ang nasabing proyekto na galing umano sa pondo ng simbahan at target matapos bago sumapit ang simbang gabi sa buwan ng Disyembre.

Menor de edad na lalaki, patay matapos barilin kagabi sa Boracay

Posted October 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa pagkakabaril sa isang menor de edad kagabi sa Bolabog Balabag Boracay.

Subalit hindi muna nagbigay ng kabuuang impormasyon ang BTAC sapagkat nananatili parin umanong at-large ang suspek sa nasabing pamamaril.

Samantala, siniguro naman ng BTAC na magpapatuloy ang kanilang manhunt operation para sa ikakadakip ng suspek.

“Habal-Habal” driver sinampal at sinuntok ng lasing na lalaki matapos tanggihang pasakayin

Posted October 24, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Sampal at suntok ang inabot ng isang “habal-habal” driver matapos nitong tanggihang pasakayin ang isang lasing na lalaki sa Balabag Boracay kaninang alas-3 ng madaling araw.

Nakilala sa blotter report ng Boracay PNP ang biktimag si Jose Matteo, 34, ng Balud, Masbate at pansamantalang nakatira sa isla ng Boracay.

Nabatid na habang nagbibiyahe ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo ay pinarahan umano siya ng dalawang kalalakihan sa nasabing lugar.

Nang hinintuan niya umano ito ay dito niya napansin na nasa ilalim pala ito ng nakakalasing na inumin na hindi na rin kayang umangkas sa motorsiklo dahilan para tanggihan niya ang mga ito.

Ngunit nagalit umano sa kanya ang suspek na kinilala lamang sa pangalang Marlon kung saan agad umano siyang sinampal ng dalawang beses at sinuntok sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan kasabay ng paghampas sa kanya ng bitbit nitong jacket.

Dahil sa insidente mas minabuti ng biktima na iwasan ang naghuhurimintadong suspek kung saan agad niya itong ini-report sa Boracay PNP Station ang nangyari.