YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 09, 2013

Stakeholders may malaking papel sa pagkakakilala sa Boracay bilang “2013 BEST BEACH in Asia”

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Collective effort” umano ng lahat ng sector sa  Boracay kung bakit muling kinilala ang islang ito bilang “2013 Traveler's Choice Best Beach in Asia”.

Kung saan malaki umano ang naging papel at naitulong dito sa paraan ng kooperasyon ng mga stakeholders at mga pribadong sector upang mapanatili ang yaman na mayroon ang Boracay, ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa.

Hindi naman aniya nila tinuturing na “pressure” sa bahagi ng LGU Malay ang pamamayagpag ngayon ng isla lalo na nang makuha nito ang titulong “2012 Best Beach in the World”.

Sa halip aniya ay kinokunsidera nila ito bilang “challenge” o hamon upang mapanatili ang titulo na tinatamsa ngayon ng Boracay.

Naging inspirasyon din umano nila ito upang pagbuhihan ang lahat para sa islang ito.

Kung maaalala una ng hinayag ng Department of Tourism na naging “2013 Traveler's Choice best beach in Asia” ng online travel guide na TripAdvisor.

Ito ay dahil sa malapulburon na buhangin at mala-kristal na tubig sa baybayin ng Boracay.

Kontraktor ng Municipal Land Fill ng Malay hindi pa nababayaran

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Kawawa naman ang kontraktor ng Municipal Land Fill ng Malay kapag hindi nabayaran, gayong may kapital na silang nailabas dito.”

Ito ang inihayag ni Engr. Arnold Solano, Special Project Officer ng Malay, kaugnay sa balak na pangu-ngutang ng LGU para pambayad sa balanse ng bayan sa kontraktor.

Ayon kay Solano, bagamat naka-loan na dati ang LGU, pero hindi umano sapat ang nauna ng na grant kaya muli ay bibigyan ng Sangguniang Bayan ng Malay ng awtorisasyon si Mayor John Yap na makipagnegosasyon para sa panibagong loan na mahigit P25-milyon.

Ayon kay Solano, ang Proyektong Land Fill ng Malay ay nagkakahalaga ng tatlumput walong milyong piso, pero ang nautang lang nila dati at mahigit labin limang milyong piso lamang.

Nilinaw din nito na sa ngayon ay maayos namang nagagamit ang Land fill, makaraang nitong nagdaang taon ng 2012 ay sinasabing hindi kinayang imbakan ng mga residual na basura mula sa Boracay. 

Lineman ng Akelco, nakuryente!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpapagaling na ngayon sa ospital sa bayan ng Kalibo ang isang lineman ng Aklan Electric Cooperative dahil nakuryente kagabi sa Boracay.

Inabot naman ng mahigit dalawampung oras na nakabitin ang biktimang kinilalang si Leonardo Alejandro sa poste ng Akleco bago maibaba.

Nabatid mula sa kapwa nito lineman na si Rey Villanueva, na natagalan ang pagkuha nila sa biktima.

Pero hindi naman umano nagtagal talaga sa pagkakakuryente si Alejandro, dahil agad din itong kumawala at naka-recover habang nasa taas pa.

Subalit, dahil sa nakasuot umano ng safety belt si Alejadro, nagtagal itong nakabitin sa poste, kaya hinimatay muna ito at sa kabutihang palad ay naibaba naman  at agad na isinugod sa Boracay Hospital.

Matapos umanong magtamo ng bukol sa ulo, wala nang iba pang pinsala sa katawan ang biktima sa kabutihan palad, at ligtas na sa ngayon.

Nakuryente umano si Alejandro habang kinukumpuni nito ang isang transformer ng Akelco sa Main Road Manggayad Barangay Manoc-manoc kagabi, ika-8 ng Marso. 

Umano’y madalas na pag-absent ni Malay Mayor Yap, ipinaliwanag

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Positibong tinanggap ng kampo ni Malay Mayor John Yap ang pagbatikos sa umano'y madalas nitong paglabas ng bansa at pagpapabandying-bandying.

Ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa, kung mag-travel man ang Punong Ehekutibo, ito ay bahagi pa rin umano ito ng kaniyang trabaho, at kung magbakasyon o lumabas man aniya ito ng bansa, karapatan din naman ito Alkalde.

Paliwanag pa nito, kabilang umano sa mga travel ng Punong Ehekutibo ay kapag may mga imbitasyon dito sa mga pagtitipon na tatayo siya bilang representante ng bayan ng Malay at Boracay.

Maliban dito, hindi rin umano nangangahulugang pinabayaan na umano nito ang kaniyang trabaho, sapagkat may mga tao din umano itong iniwan na siyang taga-asikaso at tutugon sa oras na kailangan ang kaniyang serbisyo, gaya ng mga department heads, na handang umaksiyon.

Sinabi pa ng administrador na nagpapasalamat pa nga sila sa mga taong nakapuna at nagbabantay sa aktibidad ng Alkalde dahil nanga-ngahulugan lamang umano ito na nagmamalasakit sila sa bayan.

Matatandaang nitong nagdaang mga araw at nitong buong linggo ay wala ang Alkalde sa Malay, at pansamantala ay pinaupuan muna nito ang posisyon niya kay Vice Mayor Ceceron Cawaling.

Kung maaalala din, ilan sa mga kritiko na rin nito ang nagsabi na tila kampante na si Yap sa posisyon nito dahil sa wala itong katunggali ngayong May 2013 Mid Term Elections.

Pitong lalaking nahuling naglalaro ng poker sa Boracay, sasampahan ng kaso

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pursigido ang Boracay Pulis na sampahan ng asunto ang pitong kalalakihan na ginawang Casino ang Cagban kahapon ng gabi.

Ngayong araw ng Sabado ay inaasahang sampahan ng kaso sa mga ito makaraang nahuli sa aktong naglalaro ng poker sa Barangay Manoc-manoc noong a-7 ng Marso bandang alas-7:30 ng gabi.

Kahapon ng hapon ay inihanda ng Pulis Boracay ang mga ebidwnsiya laban kina Bryan Tornea ng Brgy. Caticlan,  Julius Villas ng Ambulong Manoc-manoc, John Jay Relojas ng Balabag, Raphael Villagante ng  Ajuy, Iloilo,  Jeffrey Agravante ng Davao City, Jonathan Parba ng  Koronadal City at Ryan Ronquillo ng Brgy. Balabag sa Boracay.

Nahuli ang mga nabangit na persona sa akto naglalaro ng poker sa isinagawang entrapment operation na pinangunahan ni S/Insp. Joeffer Cabural, hepe ng Pulis Boracay makaraang imonitor ito ng Intelligence operative.

Nakuha din sa mga ito ang poker chips at baraha na gigamit ng mga nahuli.

Kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9287 o Illegal Gambling ang isasampa laban sa mga ito.