Nagpatawag ng isang press conference si DENR Usec. Benny
Antiporda para mailatag ang kaniyang bersyon hinggil sa reklamo ng isang
negoyante sa inasal nito sa isang pulong ng Boracay Inter Agency Task Force
noong Nobyembre a-singko.
Sa blotter entry ng PNP, ini-reklamo si Antiporda ng
direct humiliation, physical assault, and verbal threat ni Boracay Adventures
Travel and Tours Inc. General Manager at BFI Board of Director Peter Tay.
Ito ay kasunod ng insidente nang umano’y pagsigaw at
pagpahiya ng opisyal kay Peter Tay sa harap ng mga dumalo sa nasabing pulong.
“Walang katotohanan na sinakal ko siya at kinwelyuhan”,
depensa ni Antiporda sabay sabi na sa laki ni Tay ay paano ko magagawa ‘yun.
Paglilinaw pa nito, itinulak niya lang umano ang
nagrereklamong si Peter Tay bago pinalabas dahil umiikot raw ito at
pinagsasabihan ang ilang dumalo na mawawalan sila ng negosyo dahil sa mga
polisya ng task force.
Pinasinungalingan din ni Antiporda ang akusasyon ni Tay
na pinagbantaan niya itong hindi aprobahan ang lahat ng permit dahil sa
katunayan ayon sa huli ay nag-ooperate na si Tay kahit hindi pa ito compliant.
Kasunod ng statement ni Antiporda ay naglabas din ng
sagot ang nagrerekalamo.
Ayon sa facebook post ni Peter Tay, hindi raw ito nag
“gate crash” dahil may imbitasyon ang BFI at siya ang inatasang dumalo.
Marami rin daw ang nakasaksi kung paano siya pinahiya ng
opisyal at pinagsabihan ng hindi maganda.
Nasaktan daw si Tay ng sinabihan ito na minamaliit niya
at hindi niri-respeto ang mga Pilipino dahil matagal na ito sa Pilipinas at
nakapag-asawa na ng isang Pinay.
Nilinaw din nito na hinihintay na lang nito release ng
kaniyang Certificate of Compliance matapos ma-stampahan na ito ng DENR noong
October 26, 2018 para sa kanyang compliance.
Dagdag pa ni Tay, ang inasal ni Antiporda ay hindi
katanggap-tanggap lalo na isang opisyal ng gobyerno at dahil dito ay gagawa
siya ng legal action laban sa opisyal.
Samantala, balak din ni Antiporda na sampahan ng kaso si
Peter Tay at planong ideklarang Persona Non-Grata dahil sa pang-iinsulto
di-umano at hindi pagsunod sa mga ipinapatupad na patakaran ng pamahalaang
nasyonal.
Nag-ugat ang isyu ng maglabas ang Boracay Inter Agency
Task Force ng mga polisiya at regulasyon para sa mga seasports at tour
coordinators na balak ipagbawal ang pag-aalok sa mga turista sa beach bagkus ay
idadaan ang bookings sa mga compliant hotels.
No comments:
Post a Comment