Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Pinuna ng konseho ang hindi pagtugma ng naitalang record ng Municipal Tourism Office sa koleksiyon ng Malay Municipal Treasurer.
Sapagka’t buwan palang ng Enero ay umabot na sa mahigit 110,000 ang naitalang pumasok na turista sa Boracay.
Kaya kung susumahin ang nakolektang environmental fee na nagkakahalaga ng P75,000.00 sa bawat isang turista, umaabot na ito ng P8.2 milyon ayon kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron.
Subali’t sa isiniwalat nito nitong Martes sa sesyon, napag-alaman aniya mula sa tanggapan ng Municipal Treasurer na ang nakolekta nila ay nasa P7.9 milyon lamang kaya nagtaka ito.
Lumalabas din na mahigit isang milyong piso ang nawala sa kaban.
Gayun pa man, sa paliwanag umano ng tanggapang ito, hindi nakuha ang mahigit P8.2 milyon dahil sa minsan ay nagbibigay ng diskwento ang mga ito sa Senior Citizen at mga estudyante.
Bunsod nito, hiniling ni Pagsugiron sa konseho na kung maaari ay ipasilip ang bagay na ito, lalo pa at may mga impormasyon na minsan naman umano ay nakakalusot sa isla ang ilang turista partikular ang mga grupong dumarating na ang iba sa mga ito ay hindi na napabilang sa pagkuha ng environmental fee.
No comments:
Post a Comment