YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, April 06, 2011

Illegal na gawain sa Boracay, hindi pansin ng simbahan; pero ang casino, bakit tinutulan?

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Field Reporter)
“Kanino bang obligasyon ang regulasyon at pagpapatigil ng peryahan, inuman at ibang illegal na aktibidad”.
Ito ang tanong ni Fr. Adlay Placer, Kura Paruko ng Balabag Parish, ukol sa usaping bakit hindi umano nagkokomento ang Simbahan Katoliko kung peryahan, ilang sugal, droga at  maging ang pag-inom ng alak sa front beach ang pinag-uusapan, gayong ang casino ay mahigpit na tinututulan.
Ayon sa pari, sa totoo lang ay naglabas na rin siya ng pahayag ukol sa mga peryahan at ilang illegal na gawain sa isla, kaya’t naisip ng pari na baka ang nagsasabi ng ganito ay baka hindi lang nagsisimba.
Pero nilinaw nitong hindi obligasyon ng simbahan na manghuli, o magpatigil ng mga operasyong katulad nito, sapagkat wala naman silang Police Power, at sa halip, ito ay trabaho ng mga opisyal ng barangay at ng munisipalidad gayon din ang mga ito ang dapat magpatupad ng mga regulasyon patungkol dito dahil ang mga nabanggit na ito din ang nagbibigay permiso sa operasyon nito.
Dagdag pa ni Placer, ang pagpahayag at pagtuturo aniya ng mabuting gawain at asal para makatulong sa ikagaganda sa relasyon ng pamilya, komunidad at Diyos ang obligasyon nila, at hindi ang panghuhuli.
Magugunitang naitanong kung bakit ang simbahan ay walang reaksyon sa ganitong aktibidad katulad ng paggamit ng droga, illegal na sugal at pag-iinom ng alak at lalo na pagdating sa operasyon ng peryahan, na kung iisipin ay mga bata at ordinaryong publiko ang tumataya at sangkot dito.
Kaya ganoon na lang ang pagtataka, lalo na sa bahagi ng proposisyon, kung bakit pagdating sa casino ay ganon na lamang ang pagtutol ng Simbahan na tanging mga turista at mayroong malalaking pera ang maaaring sumali, at legal pa umano ang casino.
Ito ang isa sa mga katanungan na nabuo mula sa proposisyon at ilang miyembro ng konseho, gayon din ni G. Lito Mutos na isa sa nagpaabot ng pananaw ukol sa operasyon ng casino, nang ginanap ang unang pagdinig ng casino sa SB Hall nitong nagdaang Marso.

No comments:

Post a Comment