Posted October 23, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Mainit na usap-usapan ngayon sa ilang social
networking sites tulad ng Facebook ang ordinansa sa pagkuha ng litrato sa isla ng Boracay.
Komento kasi ng ilang netizens ay parang nawawala
na ang kanilang kalayaan sa pagkuha ng mga litrato sa isla lalung-lalo na kapag
sila’y nagbabakasyon rito.
Subalit, matatandaan sa kopya ng ordinansang
ipinadala sa himpilang ito na ang tanging ipinagbabawal lamang ng nasabing
ordinansa ay ang pagkuha ng litrato na syang gagamitin sa pagnenegosyo o
trading.
Nakasaad sa Municipal Ordinance No. 203, S. 2003 na
dapat kumuha ng Mayor’s permit ang mga mobile photographers sa LGU Malay kung
kukuha ang mga ito ng litrato sa isla na gagamitin para sa pagnenegosyo.
Ayon sa Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) ang
nasabing ordinansa ay kailangan ding sundin ng mga foreigner na nagkakaroon ng
mga aktibidad sa isla hanggat nakikitaan ito ng “trade purposes.”
Samantala, nilinaw naman ni Malay Municipal Tourism
Chief Operation Officer Felix Delos Santos na nakasaad sa Section 3 ng nasabing
ordinansa na para lamang sa mga aktibong mobile photographers ito at hindi
kasama ang mga ordinaryong tao na kumukuha ng litrato sa Boracay para sa
kanilang personal na interes.
Ang Municipal Ordinance No. 203, S. 2003 ay ipinasa
noong October 15, 2003 at inaprobahan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan
noong November 19, 2003.
Kapag nakitaan ng paglabag ang isang professional
na mobile photographer, pagmumultahin ito ng nasa 500 hanggang 1, 000 pesos at
maaari pang suspendihin ang lisensya para sa kaukulang penalidad.
Sa ngayon ay patuloy na sa pag-iikot ang mga kasapi
ng Municipal Auxiliary Police (MAP) at Tourism Regulatory Enforcement Unit
(TREU) para sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.
No comments:
Post a Comment