YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, December 01, 2014

Photographer sa Boracay, binaril ng coordinator dahil sa kapote,

Posted December 1, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Mas mainam na magpaalam muna bago kumuha o humiram ng gamit lalo na kapag hindi mo nakikilala ang may-ari.

Dahil kapag nagpang-abot, maaaring gulo o krimen ang kahihinatnan.

Kaugnay nito, isang photographer sa Boracay ang binaril ng coordinator dahil lamang sa kapote kahapon ng madaling araw sa Barangay Manoc-manoc.

Isang sugat sa kaliwang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Reynaldo Cooper, 34 anyos ng So.Cagban, Manoc-manoc, Boracay matapos umanong barilin ng coordinator na si Rex Durana, 28 anyos ng nasabi ring lugar.

Ayon sa report ng Boracay PNP, iniwan muna ng biktima ang kanyang mga kainuman sa loob ng isang Videoke bar upang bumili ng sigarilyo.

Subali’t dahil malakas ang ulan noon, kinuha na lamang umano nito ang isang nakasabit na jacket o kapote doon nang hindi nagtatanong o nagpapaalam sa may-ari at tumungo sa isang tindahan.

Kinumpronta umano siya ng suspek tungkol sa nasabing kapote na nauwi naman sa pagtatalo at pamamaril.

Kaagad isinugod sa ospital ang biktima dahil sa tinamong sugat.

Samantala, minarapat naman nitong sumuko pagsapit ng tanghali kung kaya’t nasa kostodiya ito ngayon ng Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

No comments:

Post a Comment