Posted May 3, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Pinawi ng RHU o Rural Health Unit ng Malay ang pangamba
ng publiko laban sa bagong virus na Middle East Respiratory Syndrome (MERS-CoV).
Dahil dito agad namang nilinaw ng RHU na walang may kaso
ng MERS-CoV sa Boracay sa kabila ng kumakalat na balitang baka mayroong may ganitong
sakit sa isla dahil sa ibat-ibang taong pumapasok dito na mula sa ibat-ibang
bansa.
Ayon kay Malay Health Education Promotion Officer Arbie
Aspira, patuloy na naka-monitor ang kagawaran sa MERS kung saan nakalatag pa
rin umano ang precautionary measures sa mga paliparan para tiyakin ang mahigpit
na screening sa mga pasaherong galing sa ibang bansa.
Sa ngayon umano ay patuloy ang pag-aaral ng World Health
Organization (WHO) ukol sa bagong virus na kahalintulad ng Severe Acute
Respiratory Syndrome (SARS).
Pinayuhan naman nito ang mamamayan na dapat huwag mag-panic
dahil sa hindi umano totoo ang mga kumakalat na balita na baka may nakapasok ng
may sakit na MERS-CoV sa probinsya at Boracay.
Dagdag pa ni Aspira dapat umanong maging malinis sa
katawan at alamin ang mga mabisang proteksyon para hindi sila mahawa sa sakit
na ito.
Isa rin aniya sa magandang paraan ay ang pagpapakunsulta
sa doktor sa tuwing may masasamang nararamdaman sa sarili.
Napag-alaman na ang MERS-CoV ay maihahalintulad sa SARS
dahil sa parehas na sintomas gaya ng lagnat, pag-ubo, pagkakaroon ng pneumonia
at rashes.
No comments:
Post a Comment