Posted April 29, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Muling ipinatawag para sa susunod na committee
hearing ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang mga sangkot sa nangyaring
komosyon sa Kalibo International Airport (KIA).
Kabilang na umano rito ang Civil Aviation Authority
of the Philippines (CAAP), si Kalibo Airport Manager Cynthia Aspera at mga
empleyado ng Cebu Pacific Air.
Ayon sa SP Aklan ito’y kaugnay pa rin sa paghingi
ng report at pagpapaliwanag sa CAAP at dalawang piloto ng eroplano upang
mabigyang linaw ang isyu.
Nabatid rin sa ineskedyul na committee hearing
noong Abril 14 na hindi nakadalo ang ilang myembro ng CAAP gayundin ang ilang
empleyado ng nasabing eroplano nang ipatawag ang mga ito ng SP.
Samantala, matatandaan sa naunang mga ulat na nangyari
ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga tsinong pasahero at ilang piloto
ng Cebu Pacific sa KIA noong Marso 28 taong kasalukuyan.
Ito’y matapos na nasa 170 na mga pasahero ang
na-stranded nang magdesisyong bumalik ang mga piloto ng nasabing eroplano sa
KIA na papunta sanang Shanghai-China dahil sa umano’y hindi magandang panahon.
Sinisikap naman sa ngayon ng Aklan Provincial
government na isulong ang mas magandang crisis management team ng KIA.
No comments:
Post a Comment