Posted February 13, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
Huling-huli sa CCTV Camera ng isang resort sa
Balabag Boracay ang pambibiktima ng dalawang kawatan sa isang turistang babae.
Ayon sa blotter report ng BTAC, kumakain sa
restaurant ng nasabing resort ang turistang si Jeannine Curd, 60 anyos, taga
New Zealand nang mabiktima ng magnanakaw.
Anya, isinabit nito ang kanyang sling bag sa
likuran ng kanyang upuan at naghapunan bandang alas nueve kagabi.
Subalit, nang magbabayad na sana umano ito ay saka
nya nalaman na nasa buhangin na ang kanyang sling bag, isang metro ang layo
mula sa kanyang kinauupuan.
Dahil dito, dali-dali umanong kinuha ng matandang
turista ang kanyang bag at tiningnan ang laman, subalit nawawala na ang kanyang
pera na nagkakahalaga ng Php10, 080.00, 2000 na Indian Money, Credit Card at
Visa Card.
Samantala, sa karagdagan pang imbestigasyon ng mga
pulis, dalawang balot vendors din ang umano’y nakakita sa suspek na dala-dala
ang nasabing sling bag subalit hindi nila ito pinansin sa pag-aakalang sa
kanila ang nasabing bag.
Nabatid na nakasuot ng brown at itim na t-shirt ang
dalawang suspek at naka-short.
Patuloy naman ngayon na tinutugis ng mga pulis ang
mga nasabing suspek.
No comments:
Post a Comment