Posted September 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay
May nakatakdang rally sa probinsya ng Aklan ngayong
Setyembre hinggil sa pagtaas ng bayarin sa buwis.
Subalit, iginiit ng Aklan Provincial Government na
naaayon sa batas ang pagtaas nito.
Ayon kay Provincial Assistant Administrator Gerick
Templonuevo, ang 35% ng real property
tax proceeds ay mapupunta sa mga proyekto ng probinsya, kung saan 40% din nito ay para sa munisipalidad at 25%
naman sa mga barangay.
Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa
mga real properties base sa isinasaad ng bagong Base Market Values ay mapupunta
sa Special Education Fund (SEF).
Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor
Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code ng Republic Act No. 7160, dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real
Properties ang lokal na pamahalaan kada tatlong taon.
Samantala, ayon sa mga grupong salungat sa ipinasa
ng Provincial Assessor Office at inaprobahan ng Sangguniang Panlalawigan (SP)
Aklan na Tax Ordinance No. 001 series of 2014, “Excessive, unjust,
unconscionable and confiscatory in nature” ang pagtataas ng 135 percent sa tax
ng mga Class A na munisipalidad.
Ang aprobadong bagong schedule ng Base Market
Values of Real Properties para sa 17 municipalities ay magiging epektibo sa
Enero 2015.
No comments:
Post a Comment