Posted June 5, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay
Abala ngayon sa pagbibigay ng wastong kaalaman hinggil sa
pagbubuntis ang Municipal Health Office ng Malay.
Ito’y bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa Safe
Motherhood at Responsible Parenthood.
Isa kasi ang Boracay sa nakitaan ng malaking bilang ng
kaso ng teenage pregnancy nitong nakaraang taon.
Base sa lumabas na datos ng MHO, umabot sa mahigit dalawang
daan ang mga menor de edad na nasa edad 15-19 na taong gulang ang nabuntis,
isang daan dito ay mula sa Baranggay Manoc-manoc, higit pitumpo naman sa
Balabag at higit tatlumpo naman ang sa Barangay Yapak.
Ayon kay Health and Educational Promotion Officer Arbie
Aspiras, ilan sa mga rason ng maagang pagbubuntis ng kabataan ay ang kakulangan
sa gabay ng magulang at estado ng pamumuhay.
Hinihikayat naman ng MHO ang mga kabataang buntis na
bumisita sa Health Center para mabigyan ng tamang gabay dahil ang lahat ng
nagdadalang-tao ay delikado.
Bagamat ang ilan ay nahihiya, ayon kay Aspiras, dapat
isaalang-alang ang buhay ng sanggol sa sinapupunan at ang kalusugan ng ina .
Ang Safe Motherhood at Responsible Parenhood ay isa sa
mga adbokasiya ng Department of Health kung saan kasama sa probisyon ng
kontrobersyal na RH Law na kinatigan ng Korte Suprema nitong April 8, 2014.
No comments:
Post a Comment