Posted June 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Puspusan ang ginagawang paglilinis ng Boracay Solid Waste
Action Team (BSWAT) sa mga nagkalat na basura sa dalampasigan ng Boracay.
Ito’y matapos ilang araw na ring nararanasan ang malakas
na alon sa karagatan kasabay ng pagdagsa ng basura sa naturang beach front.
Karamihan sa mga ito ay ang mga sanga ng punong kahoy,
bunga ng niyog at ilang plastic na basura na galing pa sa mainland at tinangay
ng alon papuntang Boracay.
Nabatid na ito na ang simula ng araw-araw na paglilinis
ng BWSAT dahil sa pagpasok ng Habagat kung saan malakas ang hanging humahampas
sa dalampasigan kasabay ng mga naanod na basurang dagat.
Sa kabilang banda hindi naman inalintana ng mga turista
ang nasabing basura dahil para sa kanila ito ay normal lang dala ng pagbabago
ng panahon.
Maliban dito, unti-unti na ring naghahanda ang mga
establisyemento sa beach front ng kanilang pananggalang sa malakas na hangin
dulot ng Habagat.
Samantala, inaasahan pang lalakas ang hangin ngayong
ikalawang linggo ng Hunyo kasabay ng pagdami ng basura at halamang dagat sa
beach front ng Boracay hanggang sa pagtatapos ng Habagat Season sa buwang ng
Setyembre.
No comments:
Post a Comment